Monday, June 23, 2014

Let It Go

By: Lui

“I love you.”
Hilo na ako. Ilang araw na lang at magpa-Pasko na. Masaya ang lahat maliban sa akin. Matapos ang mahabang araw sa trabaho, nagkayayaan kaming mag-inuman. Biyernes na at halos puno na ang lahat ng mga gimikan sa Taguig kaya naman nauwi na lang kami sa isang maliit na bar malapit sa opisina. Sakto pagdating namin ay may isang bakanteng mesa sa ikalawang palapag. Agad na um-order ng isang bote ng Bacardi at tatlong Sprite in can ang aking kasama. Idagdag mo pa ang isang plato ng nachos. Mabilis akong tinamaan. Nakatatlong baso pa lang yata ako, naramdaman ko na ang sipa ng alkohol.

Wala ako sa huwisyo ng mga panahong iyon. Kaya siguro patuloy lang ang aking paglaklak. HIndi naman talaga ako malakas uminom pero nang mga oras na iyon, parang gusto ko lang tumakas. Muli na naman kasi siyang bumalik sa buhay ko. Dalawang taon na ang nakalipas simula nang magtapos kami sa kolehiyo. Nagkahiwalay kami ng landas dahil sa magkaibang trabahong aming kinuha. Alam kong masaya at kontento siya sa girl friend habang ako naman ay tahimik pa ring minamahal siya. Isa o dalawang beses kada dalawang buwan lang kami kung magkita. Madalas pa ay tuwing lunch break lang. Isang oras para mapagkwentuhan ang mga bagay-bagay. Okay na ako doon. Kahit papaano ay may inilalaan pa rin siyang oras sa akin.



Sumubok naman akong maghanap ng iba. Sumubok akong magmahal ng iba. Pero ewan ko, sa kanya pa rin umiikot ang mundo ko. Dalawang linggo na ang nakakaraan nang makatanggap ako ng mensahe sa kanya. Naghiwalay na sila ng kanyang girl friend. Ako, bilang isang masugid na kaibigan, ay agad na umalalay at nagbigay ng oras. Mas napadalas ang pagkikita namin. Nagawa ko pa siyang isama sa isang book store kung saan ako laging tumatambay. Ibinili niya ako ng dalawang libro habang nag-rekomenda naman ako sa kanya ng tatlo na agad din niyang binili. May kapehan sa loob ng Fully Booked, sa ikatlong palapag ng gusali. Matapos mabayaran ang aming mga libro, umupo kami sa isang couch kung saan madudungaw mo ang lobby sa baba. Doon niya naikwento ang rason sa kanilang paghihiwalay. Naging komplikado ang lahat dahil sa pakikialam ng pamilya. Tahimik lang ako at nakinig lang sa lahat ng kanyang sinasabi.

Nasundan pa iyon ng ilang pagkikita sa Makati, kung saan siya nagtatrabaho. Habang muling bumabalik ang sigla ng aming pagkakaibigan at palayo na ng palayo ang kanyang kwento sa paghihiwalay nila ng kanyang karelasyon, palapit naman ulit ng palapit ang puso ko sa kanya. Alam kong bumabalik na naman ang nararamdaman ko para sa kanya. Lalo na ngayo’t nakikita ko siyang nalulungkot. Hindi ko kaya. Gusto ko siyang pasiyahin. Pero wala akong magawa. Kaya kong lapatan ang puwang na iniwan ng babaeng iyon pero alam kong hindi naman iyon ang kailangan niya. Hindi iyon ang gusto niya. Hindi ko rin siya mapapasaya.
Lango na ako sa alak. Tumawag sa akin ang isang kaibigan ko noong high school na mukhang lasing na rin. Alam niya ang lahat ng nangyayari sa akin. Panay ang pang-aasar niya sa telepono. Wala siyang ibang binanggit kung hindi ang pangalan niya. Binaba ko ang telepono kasunod ng pag-ubos sa natitirang alak sa aking baso. Agad namang napalitan ito ng maitim na inumin. Ubos na pala ang Bacardi na una naming in-order. Sinundan na ito ng Jack Daniel’s na hinaluan ng Coke.

Hinanap ko ang pangalan niya sa messages ng aking telepono at walang atubili kong tinipa ang mga letra na bumuo sa tatlong salitang matagal ko nang gustong sabihin sa kanya. Nakailang baso pa ako hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng balanse. Muntik pa akong mahulog sa hagdan pababa dahil ayokong magpatulong sa aking mga kasama. Halos alas singko na nang makauwi ako.
Nagising ako dahil sa pagtapik ng aking ina sa aking braso. Nakatulog ako sa sofa nang hindi nagpapalit ng damit. Pagkabangon ko para magtungo sa banyo, agad kong naramdaman ang pagkirot ng aking ulo. Marahang bumalik ang sensasyon sa aking katawan at nagsimulang mangati ang aking dibdib. Lagi akong ganyan sa tuwing mapapadami ang nainom kong alak. Nang tingnan ko ang sarili sa salamin, namumula ang aking buong katawan. Ayokong ipakita iyon sa aking ina kaya’t nagmadali akong magpunta sa kwarto at natulog buong araw.
Masakit pa rin ang aking ulo nang muli akong magmulat ng mga mata. Madilim na. Nang tingnan ko ang aking telepono, alas-siyete na ng gabi. May ilang mga mensahe akong natanggap. Pero wala mula sa kanya. Kinabahan ako nang mabasa ko ang ipinadala kong mensahe. Dali-dali akong gumawa ng mensahe para kahit papaano ay mabawi ang aking sinabi.
“Hi, sorry. I was sooooooo drunk last night! Kung ano man nasabi ko, please ignore it!”
Mabilis pa sa alas-kwatro siya kung tumugon sa aking mga mensahe. Pero wala akong natanggap nang araw na iyon. At sa sumunod pang mga araw. Hindi ko na siya kinulit kahit na kating-kati na akong malaman kung ano ang reaksyon niya. Muli lang akong nagkaroon ng lakas ng loob magparamdam noong araw ng Pasko. Magandang excuse ang selebrasyon para batiin siya at ang kanyang pamilya.
“Merry Christmas din! May pasok na agad bukas. Bitin ang bakasyon. :(” ang tugon niya.
“Naka-leave pa ako. Gusto mo ba mag-lunch? Gusto rin sana kitang makausap.”
“About saan?”
“Basta. Bukas ha. Puntahan kita. 12.”
Wala na ako natanggap na tugon. Kinabukasan, alas-onse y media pa lang ay nasa Starbucks na ako sa tapat ng kanilang gusali. Nagpadala agad ako ng text sa kanya na naghihintay na ako roon at pwede na siyang pumunta. Naglalaro na sa isip ko kung paano ko bubuksan ang paksa patungkol sa sinabi ko sa kanya noong lasing ako. Pero lumipas ang dalawang oras, walang pumasok na tao sa kapehan na direktang umupo sa upuan sa aking harapan. Nakatatlong tawag ako sa kanya pero hindi siya sumagot.
Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko noon. Gusto kong magalit sa kanya. Gusto kong magalit sa sarili ko. Kung alam man niya ang dahilan ng pagpunta ko roon, pwes ang duwag niya para hindi ako harapin. Naiinis ako sa sarili ko dahil ang tanga ko sa pag-iisip na posibleng magkaroon ng magandang kalalabasan ang gusto kong mangyari.
Dumaan ang bagong taon, ang Valentine’s Day, na wala akong naririnig na kahit ano mula sa kanya. Nagkita lang kaming muli nang manood kami ng concert ni Bruno Mars kasama ang dalawa pa naming kaibigan. Nasa labas na kami ng MOA Arena nang makatanggap ako ng tawag mula sa kanya.
“Hello?”
“Nasaan kayo?” ang tanong niya sa akin.
“Nandito kami sa Starbucks. Nasaan ka na?”
“Papunta na kami. Hintayin niyo kami diyan ah.”
Kami? Sa pagkakaalam ko, apat na tickets lang ang meron kami. Agad na akong kinutuban kung ano ang mangyayari kaya’t hindi na ako nagsalita. Mula sa kabilang dulo ng mahabang pasilyo, nakita ko siyang naglalakad katabi ang isang babae. Hindi nga ako nagkamali. May bago na siya. Kaya naman pala muli siyang nawala sa akin. Ganoon naman lagi ang eksena namin. Kapag wala siyang girl friend, ako ang kasama niya. Pero kapag nakahanap siyang muli, ako rin ang unang nawawala sa isip niya.
Ipinakilala niya sa amin ang kanyang kasama. Mabait naman iyon at hindi naman ako naging suplado. Mabuti nalang at medyo malayo ang upuan nila kaya’t hindi ako na-distract na makita silang masaya habang pinapanood ang napakagandang show. Matapos ang halos dalawang oras na concert ay kumain kami sa isang restaurant kung saan mas napagmasdan ko silang dalawa.
“Uhm, excuse me? Follow-up lang nung order namin.” ang sabi ko sa waiter.
“Mga five minutes pa, Sir.” ang sagot sa akin.
“Five minutes ago, ‘yan din sinabi mo sa akin eh.”
Hindi ko na inintindi ang tinugon niya. Halos maubos ko ang lamang iced tea ng basong nasa aking harapan dahil sa inis. Halos tatlumpung minuto na kaming naghihintay sa aming pagkain. Gutom na ako.
“Parehas kayo ng ugali. Ganyan din ‘to eh kapag may mga ganyang five minutes, five minutes. Talagang binabantayan. Dapat sakto.” ang natatawang sabi sa akin ng babaeng kasama niya.
“Alam mo na kung kanino ako nagmana.” ang sabat niya habang tumatawa rin.
“Oo nga. Totoo nga ‘yung kinekwento mo.” ang sabi ng babae bago siya malambing na hampasin sa braso.
Ngumiti lang ako pero sobrang nagseselos na ako. Inasahan ko kasing magkakaroon kami ng pagkakataon na makapagkwentuhan na kaming dalawa lang. Mahigit dalawang buwan na rin kaming hindi nagkita. Mabuti na lang at bago matapos ang gabi ay nagkaroon kami ng pagkakataon nang sabay-sabay magtungo sa banyo ang tatlo naming kasama.
“May sasabihin ako.” ang pasimula niya.
“Yup?” ang sabi ko habang inuubos ang dessert na binili.
“Pupunta ako sa States.”
“For good?”
“Hindi. Bakasyon lang. Sa May pa balik ko.”
“Ah. Okay. Ang yaman. Ingat ka ha.”
“I-Viber mo ako ha.” ang sabi niya sa akin.
“Sige.” Lalo akong lumungkot dahil lalong lalaki ang distansya namin sa isa’t isa. Pagkauwi ko, naisip ko na baka talagang nangyayari ito para ipamukha sa aking hindi siya ang para sa akin. Kahit kailan, hinding-hindi siya magiging akin.
Nang dumating ang araw ng kanyang pag-alis, naghintay ako ng text mula sa kanya. Pero wala akong natanggap. Nakita ko na lang sa Facebook posts niya na nasa California na siya kasama ang pamilya. Madalas kaming nagpapang-abot na online. Kahit na gusto ko, hinintay kong siya ang unang mag-ping sa akin.
Isang araw habang nasa trabaho ako, nagulat ako nang mag-rehistro ang pangalan niya sa screen. Nag-send siya ng mensahe sa Viber. Agad naman akong sumagot. Patulog na raw siya noon habang ako naman ay abala sa aking trabaho.
“Parang ayoko na bumalik dyan.” ang sabi niya.
“Sarap ng buhay mo dyan eh.” ang sabi ko.
“Oo. Pucha, gusto ko na dito pero kailangan ko pa bumalik diyan. Punta tayo dito ah.”
Tayo. Napangiti ako nang mabasa ko iyon. Sumandal ako sa aking kinauupuan habang patuloy siyang kinakausap.
“Tayo? Miss mo na ako no.”
“Wala ako maasar dito eh. Basta, pag bumalik ako dito, isasama kita.”
Wala akong mapagsidlan ng tuwa nang mga oras na iyon. Mas pinili kong huwag seryosohin ang usapan namin dahil mukhang miss niya nga ang pakikipag-asaran sa akin kaya’t iyon ang ginawa ko. Pero gusto ko nang sabihin sa kanya. Baka makatulong na nasa malayo siya kapag nalaman niya ang totoo sa akin, ang totoo kong nararamdaman.
“Bago tayo magplano, bumalik ka muna rito. Tsaka may sasabihin pa ako sa’yo.”
“Ano ‘yun?”
“Pagbalik mo na lang. Kailangan personal eh.”
Pero hindi ko nagawa. Halos isang oras na kaming nagpapalitan ng mensahe nang magpaalam na siya dahil kailangan na niyang matulog.
Ilang araw bago ang nakatakda niyang pagbalik sa Pilipinas, muli kaming nag-usap sa Viber. Niyaya niya akong mag-lunch sa unang araw niya pagkabalik sa trabaho. Agad naman akong um-oo dahil gusto ko na rin ulit siya makita. Isang araw bago ang lunch date namin, nagpadala ako ng mensahe sa kanya para kumpirmahin kung tuloy ba ang pagkikita namin. Hindi siya tumugon pero nakita kong binasa niya ang mensahe ko.
Hindi natuloy ang plano. Dalawang araw ang lumipas, muli akong nagpadala ng mensahe sa Viber. May tono ng pagtatampo ang ipinadala ko. Sa pangalawang pagkakataon, hindi siya sumagot. Seen-zoned.
Lalong tumindi ang inis ko sa kanya nang makita ko ang Facebook posts niya na nasa Boracay pala siya nang mga oras na dapat ay magkasama kami. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi niya iyon sinabi sa akin. May plano kaming magkita pero ganon lang kadali sa kanya na basta-bastang hindi ituloy iyon nang walang pasabi. Nagsimula akong magtanong sa aking sarili. Hanggang doon na lang ba ako? Hanggang ganon lang ba ang tingin niya sa akin? Hahayaan ko ba siyang tratuhin ako ng ganon?
Nakaramdam ako ng galit. Naroon naman ako ng mga panahong kailangan niya ng kaibigan. Kahit na patago ko siyang minamahal, hindi ko naman hinayaang makaapekto iyon sa pagkakaibigan namin. Mas iniisip ko ang mararamdaman niya kaysa sa nararamdaman ko. Kaya okay lang sa akin na makita siyang may kasamang ibang babae, okay lang sa akin na makita siyang nagsasaya na wala ako kasi alam kong masaya siya. Pero dumating na ako sa punto ng buhay ko na gusto ko nang isipin kung ano ang makakabuti sa akin. Gusto ko nang makita ang kaligayahan na magmumula sa sarili ko, hindi sa iba. Gusto kong mahalin ang sarili ko.
Nagdesisyon akong hayaan na lang ang mga bagay-bagay. Sinabi ko sa sarili ko na simula sa araw na iyon, pagtutuunan ko na lang ng pansin ang mga taong nagpapahalaga sa akin. Sinimulan ko sa aking pamilya.
Mother’s Day, buong araw kaming nasa labas ng aking ina. Ilang linggo na iyon simula nang bumalik siya mula sa Boracay. Pero wala pa rin akong natatanggap na mensahe o tawag mula sa kanya. Halos nalimutan ko na rin dahil nga sa bagong pananaw ko. Pero bago matapos ang araw, hindi ko inaasahang makatanggap ng text mula sa kanya.

“Hey.”
“Yup?” ang tugon ko matapos ang labinlimang minuto.
“Usap tayo.” Kinabahan ako. Sa tuwing magsasabi siya ng ganyan, alam kong seryoso siya. Takot ako kapag ganyan ang tono niya. Sa tagal naming magkaibigan, ilang beses ko pa lang siya nakitang ganyan. At sa mga oras na iyon, kadalasan ay galit siya.
“Bakit?” ang malamig kong tugon sa kanya.
“Lunch tomorrow please?”
“Okay.” Hindi ko naman sinabi sa sarili ko na kalimutan siya. Siya ang muling lumapit, siya ang may kailangan. Kaibigan pa rin niya ako pero hindi na ako iyong parang aso na labas ang dila sa tuwing bibigyan niya ako ng oras.
“Okay ka lang?” Mukhang nakaramdam siya sa kaibahan ng pakikitungo ko sa kanya. Kahit na nabasa ko agad ang mensahe niya, hindi ako agad sumagot. Halos isang oras ang lumipas bago ako tumugon.
“I’m gonna tell you something tomorrow. Huwag ka magagalit ah.”
“Oo naman. Sige, kwentuhan mo ako bukas.”
Kinabukasan, saktong alas dose ng tanghali nang dumating ako sa napag-usapan naming lugar. Mabagal akong naglakad sa mahabang pasilyo ng Greenbelt habang nakikinig sa mga kanta ni Alicia Keys. Dumiretso ako sa counter at bumili ng kape.
“One warm, grande Americano please.”
Nang kolektahin ng barista ang bayad ko para sa kapeng aking in-order, nagpadagdag ako ng isang frappuccino na paborito niya.
“Pwedeng for later na lang ‘yan? Kapag dumating na ‘yung kasama ko?” Pumayag naman siya. Pagkatapos kong magbayad, may kumiliti sa aking kanang baywang. Nang magbaling ako ng atensyon, nakita ko siyang nakatayo at malapad ang ngiti sa mga labi.
“Miss, pakigawa na ‘yung drink. Thanks.”
Hindi ko siya binati. Dumiretso ako sa isang upuan at agad naman siyang sumunod sa akin. Inabala ko ang aking sarili sa pag-aayos ng bag habang hinihintay siyang magsalita. Mabuti na lang at hindi puno ang Starbucks na napili niya.
“Order lang ako.” ang sabi niya.
“May drink ka na.” ang maikli kong sagot.
“Huh? Wow naman. Alam mo pa rin drink ko.”
“Hello, wala ka naman ibang iniinom dito.”
“Food na lang sa akin. Ano gusto mo?” ang pag-alok niya.
“I’m not hungry.” Tumayo siya para bumili ng pagkain niya. Sakto namang tapos na rin ang drinks namin kaya’t siya na ang nagdala noon sa aming mesa. Wala akong ginawa kung hindi ang maghintay sa kanya at mag-isip sa kung itutuloy ko ba ang balak ko.
“O ano na ‘yung sasabihin mo?” ang tanong niya habang puno ang bibig niya dahil sa croissant.
“Bakit mo muna gusto mag-usap ngayon?”
“Ah. E kasi…” Ikinwento niya ang isang family problem na matagal nang bumabagabag sa kanya. Biglang nanliit ang pinoproblema ko dahil sa sinabi niya. Matapos niyang magkwento, muli niya akong tinanong sa kung ano ang sasabihin ko. Hindi siya madalas na ganito kakulit.
“Wala, wala, wala.”
“Ano nga? Bibitinin mo pa ako eh.”
“Wala nga.” Lumalakas na ang kabog ng dibdib ko dahil nararamdaman kong bibigay din ako kapag pinilit niya pa ako. Pero hindi ko mahanap ang mga salitang sasabihin para maintindihan niya. Natatakot akong kapag sinabi ko sa kanya ay bigla niya akong sapakin o di kaya ay bigla niya akong iwan.
“Hmmm. Di ka na virgin?” ang natatawa niyang paghula.
“Loko!” Binigyan niya ako ng ideya. Pwede ko siyang gabayan habang nanghuhula siya. Sa ganoong paraan, hindi kailangang manggaling sa bibig ko. Siya mismo ang makakahuli.
“Aalis ka na sa trabaho?”
“It’s not work-related.”
“Okay, okay. May girl friend ka na?” ang agad niyang tanong.
Natawa ako. “Wala no!”
“May kinalaman ba ‘to sa ex mo?” Hindi ko maituturing na ex-girl friend talaga ang kaisa-isahang babaeng na-involve sa akin. Pero para mas madalian kaming dalawa sa tuwing magkekwentuhan, hinahayaan ko na lang.
“Oo.”
“Ano? Kayo na ulit? Gusto mo na siya?”
“Hindi. Alam mo ba kung bakit hindi talaga naging kami?”
“Ah! Alam ko na! Sabi mo sa akin dati, may gusto kang iba. Best friend mo!”
Ang bilis! Nakuha niya agad. Rinig na rinig ko ang pagkabog ng dibdib ko habang palapit na ng palapit ang oras na malalaman na niya ang totoo.
“Hmmm.” ang tangi kong sinabi.
“Diba meron kang babaeng best friend nung high school?” Napairap ako dahil sa biglang pagliko niya. Nandoon na eh! Biglang naiba na naman. Panay ang lagok ko sa aking kape.
“Hindi, hindi.”
“Hmm. Ano, kasi tomboy ka? Bakla ka?”
Itinago ko ang aking mukha sa aking mga palad nang banggitin niya ang salitang iyon. Lumaki siyang may galit sa mga bakla at ito na ang oras na kinatatakutan ko. Tinakpan ko ang aking mukha bilang depensa sakaling sapakin niya ako o buhusan ng kape. Hindi ako makasagot. Lumapit ang mukha niya sa akin at bumulong. “Bakla ka nga?”
Isinilip ko sa pagitan ng dalawang daliri ang magkabila kong mata. Tiningnan ko lang siya. Hindi pa rin ako makasagot. Nangingilid na ang mga luha ko pero ayokong gumawa ng eksena kaya’t pinipigilan kong maiyak.
“Okay lang naman sa akin eh. Wala ka namang sinaktang tao…”
“Maliban sa kanya.” ang sabi ko patungkol sa babaeng nagkagusto sa akin.
“Hindi mo na kasalanan iyon na nagkagusto siya sa’yo. Okay lang sa akin. ‘Yun nga, as long as wala ka namang sinasaktang tao. Sa totoo lang, nakakatulong ka pa nga eh.”
“Natatakot akong umamin. Lalo na sa’yo. Alam kong galit ka sa mga…” Hindi ko pa rin magawang masabi ang salitang bakla sa harapan niya. “Naaalala ko kasi lagi ‘yung muntik mo nang sapakin dati kasi tinitigan ka. Naisip ko, iyon tinitigan ka lang. E ako? Nakasama mo ako ng matagal tapos bigla mong malalaman na ganito pala ako.”
“Naghinala naman na ako dati pa. Marami rin nagsasabi sa akin noon.”
“Kaya mo ba ako nilayuan dati?” Muling bumalik sa aking isipan ang tampuhan namin na tumagal ng halos isang taon. Naging malabo ang lahat nang umigting ang pagtingin ko sa kanya. Kasabay kasi noon ay ang pagkakaroon niya ng girlfriend kaya’t wala na siyang oras sa akin.
“Hindi no!”
“Wait, there’s more.” ang sabi ko. Tutal naman, alam na niya, sasabihin ko na ang lahat. Baka hindi na ako muling magkalakas ng loob na sabihin ito sa kanya. “Mabalik tayo ‘dun sa naudlot na relasyon ko.”
“Dun pa rin? O sige.”
“May mas malalim pang reason kung bakit hindi talaga pwedeng maging kami.” ang sabi ko.
“May gusto kang lalaki?” ang tanong niya.
Tumango lang ako. Muli siyang nanghula. Panay lang ang iling ko sa bawat pangalang kanyang babanggitin. Halos ubos na ang iniinom niya pero hindi pa rin niya mahulaan.
“Kilala ko ‘to?” ang tanong niya.
“Oo naman. Huwag ka na masyadong lumayo.” ang pagbibigay ko sa kanya ng clue.
Natahimik siya at napasandal. Nakita ko ang biglang pag-iiba ng ekspresyon ng kanyang mukha. Hindi ko mabasa kung ano ang nararamdaman niya. Binitiwan niya ang hawak na inumin. Nabibingi na yata ako sa lakas at bilis ng kabog ng dibdib ko.
“Ay, parang alam ko na.” ang tanging sabi niya.
Tumango ako bago yumuko. Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso. Nanaig ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Hindi ko na alam kung ano pa ang sasabihin.
“Wala naman ‘yun sa akin. Wala ka namang ginawang masama sa akin.”
“Ni hindi nga kita mahawakan. Pansin mo? Natatakot nga kasi ako.” ang sabi ko.
“Okay lang, ano ka ba. Wala namang impact sa akin ‘yun. Tanggap ko naman. Tanggap naman kita. Wala namang magbabago.”
“Let’s see.” Alam ko namang matapos ang pagkikita naming iyon, tuluyan nang maghihiwalay ang aming mga landas. Hindi na ako umaasang mas magiging malapit kami sa isa’t isa.
“Test me.”
“What?” ang gulat kong tanong.
“After ilang weeks or months, tingnan mo kung may nagbago. Basta sa akin, wala ‘yun.” ang sabi niya.
Katahimikan… Wala akong ibang naririnig kung hindi ang paggawa ng mga barista ng kape at ang mahihinang pag-uusap ng ibang mga parokyano ng kapehan sa ibang mesa. Nakatingin ako sa labas kahit na nakaupo pa rin siya sa aking harapan.
“Akala ko magwo-walk out ka kapag nalaman mo.”
“Nandito pa rin naman ako.”

Naintindihan ko ang mas malalim niyang ibig sabihin sa sinabi niyang iyon. Hindi ko inasahan na magiging ganito kaayos ang paglalahad ko sa kanya ng sikretong matagal ko nang itinatago. Nagtanong siya kung may iba bang nakakaalam. Sabi ko naman sa kanya na walang ibang nakakaalam sa mga kaibigan namin. Naisip ko kasi na hindi patas sa kanya kung alam ng iba pero hindi niya alam. Gusto kong siya ang unang makaalam.
“Alam ko namang imposible…”
Tumango lang siya.

“Gusto ko lang malaman mo kasi sa tingin ko, dapat malaman mo. Tsaka hindi ko naman ‘to sinabi sa’yo para maging tayo o para mas mahalin ka. Sa totoo lang, gusto ko na kasing pakawalan ang sarili ko sa nararamdaman ko sa’yo. Ayoko nang bigyan pa ng rason ang sarili ko na mahalin ka pa kasi nga imposible namang mapunta ka sa akin.”
Tahimik lang siya.

“Ngayong alam mo na, at ngayong kinumpirma mo na na imposible ngang talaga, I think okay na ako. Makaka-move on na ako. Wala na akong iisipin na what if ganito, ganyan. Tsaka pala, nasa sa’yo na kung ano ang gusto mong gawin. Alam kong may pagka-homophobic ka, so kung uncomfortable kang makasama ako. I’d understand.”
“Sus! Ano ka ba. Wala sa akin ‘yun talaga. Basta di ka naman nakakasakit ng tao.”
“It took me five years, you know, to finally say this to you.”
“Matagal-tagal na panahon ‘yun. Mabuti naman at natanggalan ka na ng tinik ngayon.”

Nasorpresa ako dahil hindi ako nakaramdam ng kahit na anong sakit o panghihinayang nang kinumpirma niyang imposibleng magkaroon ng “kami”. Nagulat nga ako nang mapansin ko ang sarili kong napapangiti habang naglalakad papunta sa sakayan nang maghiwalay kami. Tama siya, nabunutan nga ako ng tinik. Mas maluwag na ang paghinga ko ngayon at mas parang mas magaan na ang aking mga pasanin. Kung mananatili siyang bilang kaibigan ko, wala na akong maihihiling pa. Kung lalayo man siya, hindi ko siya pipigilan. Naging masaya ako sa limang taong patago ko siyang minahal.

Ngayon, oras na para ako naman ang mahalin, oras na para ako naman ang sumaya. Magandang simula para sa akin na wala na akong pinanghahawakan sa aking nakaraan.

Wakas.

No comments:

Post a Comment