Thursday, June 26, 2014

Prelude to a Kiss

By: Lui

06/13/08

Kinikilig ako. Promise! First encounter with him kanina! Nginitian niya ako. First time ‘yun. Napangiti rin ako kahit na hindi ko naman talaga gawaing pumansin ng mga hindi ko kakilala. Pero siyempre, exception si Crush doon. Haaay. Sana magkaklase na lang kami.

Last day ng first week ng junior year ko at mukhang magiging maganda naman ang takbo ng school year na ‘to. Balak kong tumakbo sa student council pero hindi ko pa alam kung anong position. Sana payagan ako ng adviser ko. Baka kasi matulad din sa nangyari last year na pinigilan ako para maging president ako ng klase. Gusto ko naman mag-level up. Anyways, mabalik tayo kay Crush. Bakit niya ako nginitian? Wait lang. Ipakilala ko muna siya sa’yo…

Newcomer siya. Sa mga narinig ko from my friends doon sa section nila, galing daw siya sa kalaban naming school. I think he’s 16 years old like me. Ang cute, cute niya talaga. Mas matangkad siya sa akin. 5’4 lang ako, siguro siya nasa 5’6-5’7 ang height. Moreno, kaya naman lalo siyang naging ma-appeal sa akin. And those eyes?! Oh, those eyes! Parang laging nangungusap. I’d like to be the subject of those. Pero siyempre, hanggang tingin lang ako sa malayo. For sure, hindi niya mapapansin ang isang katulad ko. Pero masaya ako sa unang linggo na nakikita siya sa flag ceremony, sa corridors, sa canteen. Parang ang stalker naman ng dating ko. Pero, promise, he’s the perfect image of the man of my dreams.

So ayun nga, kaninang recess time, nagkasalubong kami sa corridor. Nagmamadali ako noon pababa sa canteen para i-meet ang mga kaibigan ko. Galing kasi ako sa library na nasa fourth floor. Pagliko ko sa stairs sa third floor, nandoon siya paakyat naman. Natigilan ako nang makita ko siya. I moved to give him space para makaakyat siya pero he moved, too para ako ‘yung bigyan niya ng space. Then we both moved again back to our first position. Parang sayaw diba? Nagkatinginan kami. Una siyang napangiti. First time kong makita siya ng ganoon kalapit. Sobrang kinis ng mukha niya. At ang ngiti niya, nakakatunaw talaga. Parang automatic naman akong napangiti rin dahil sa situation. Siya ang nag-give way para makababa ako. Pa-tweetums pa akong nag-thank you sa kanya bago bumaba. Nakakailang hakbang pa lang ako nang sinulyapan ko siya. Napatingin din siya at tinanguan niya ako. Kilig!!! Super hindi matanggal ang ngiti sa labi ko hanggang ngayon dahil sa eksenang ‘yun.

Buti na lang din at magka-batch kami. Sana maging active siya sa extra-curricular activities at makasama ko siya sa ibang mga events. At sana next year, maging magkaklase kami. Grabe, I never had a crush on someone like this before. Makakatulog kaya ako? Mukhang hindi siya maaalis sa isip ko buong gabi. Weekend naman bukas kaya okay lang na magsulat-sulat muna ako. Inspired na yata talaga ako dahil sa kanya. Pero sana mamaya ‘pag tulog ko, mapanaginipan ko siya. Hay, Crush! Gising ka rin kaya ngayon at iniisip mo rin ako? (wishful thinking)

Good night na nga! I’m excited to see him in my dreams!



6/16/08

Shit! Tunaw na tunaw na ako talaga! Bakit kailangan pang mangyari ‘to?! This is more than what I asked for. Pero thank you, Lord! Talagang pinaglalapit Mo kami. Alam mo ba, alam mo ba… Waaaaaah!!! Kinikilig na talaga ako. Sobra-sobra na ang infatuation ko sa kanya. Mas may gwapo naman sa kanya pero ang lakas talaga ng dating sa akin. Here’s the kwento…


Kanina, second Monday na ng junior year, siyempre pabibo na ako kasi malapit na ang filing of candidacy para sa student council elections. Ako ang nag-lead sa flag ceremony. Hindi naalis ang mga ngiti sa aking labi kahit na nangagawit na ang panga ko. Career kung career talaga! Sayang ang opportunity. First subject of the day — ang boring na Filipino kung saan magbabasa lang kami ng mga chapters ng Noli Me Tangere kasi ‘yung teacher namin laging tulog. Diyos ko! Sa Ibong Adarna pa lang, ganyan na ‘yan! So ayun nga. Nakabukas ang libro ko pero hindi naman ako nagbabasa kasi iniisip ko kung ano ang magiging platform ko sa miting de avance. Kailangan perfect! Tahimik akong nagdu-doodle sa aking notebook na nakapatong sa aking makapal na libro nang kumatok ang pinaka-terror na teacher/discipline coordinator na nakilala ko. Isang sulyap lang ang ibinigay ko rito at agad na akong bumalik sa napaka-productive kong ginagawa. Pero napalingon ulit ako nang maaninag ko kung sino ang nasa likod ng matandang parang chocolate chip cookie ang mukha sa dami ng nunal! Si Crush!!!

Pasaway ba siya? Pero bakit naman sa room namin siya dinala. Nakita ko ang hiya sa kanyang mga mata. Hindi kaya nagkamali lang si Ma’am sa pinasukang room dahil ulyanin na siya?! Anyway, sinundan ko ng tingin ang babaeng chocolate chip cookie. Pero siyempre, hindi siya ang tinitingnan ko. Hello??! Nagsimulang makipag-usap ang bruha sa aking tulong-laway na teacher. Fine, that’s an exaggeration. So, ayun na nga. Nakita kong sumabat si Crush sa pag-uusap habang kagat ang kanyang labi. Parang biglang naglaho ang lahat ng bagay sa paligid ko at tanging siya lang ang nakita ko. Naramdaman niya yata ang titig ko kaya’t napatingin siya sa kinauupuan ko. Agad akong yumuko at kunyaring naging abala sa pagbabasa. Swear, na-feel ko ang pamumula ng buong mukha ko. Nang muli kong sinubukan ang pagtingin sa kanya — HULI!!! Nakatingin pa rin siya sa akin. Parang hinihintay niya talagang tumingin ulit ako. Nauna na naman siyang ngumiti sa akin na may kasama pang tango. Siyempre, ano pa bang magagawa ko? E di ngumiti rin ako. Pero hindi na siya nakatingin. Bastos lang?

Ang sumunod na nangyari ay talagang nagpatalon sa puso ko ng paulit-ulit. Kaklase ko si Crush!! Napanganga yata ako nung narinig kong nagsalita ‘yung Filipino teacher ko. Hindi ko lang alam kung dahil ba iyon sa nag-announce siya na gamit ang Ingles o dahil sa kaklase ko si Crush. Never ko pa siyang narinig magsalita. Nang sinabihan siya ng aking ingliserang Filipino teacher na magpakilala sa klase, paulit-ulit akong nagdadasal na sana ay huwag naman siyang boses palaka. Kasi turn-off talaga ‘yun. Nagtama na naman ang mga mata namin nang batiin niya ang buong klase. Nahihibang yata ako kanina kasi pakiramdam ko ako lang ang binati niya. Ayun, napaka-macho ng boses (thank God!). Wala na yatang kamalian ‘tong lalaking ‘to. Hay. Isa na lang talaga at papasa na siya ng 100% sa akin. Sana mabango siya.

Akala mo nagja-jumping rope ang puso ko sa pagtalon nang malaman kong kaklase ko siya. Pero wala pa iyan sa sumunod na nangyari. Pakiramdam ko rinig ng buong klase ang pagkalabog ng puso ko nang umupo siya sa tabi ko. Walang nagsabi sa kanyang doon umupo. Siyempre, kunyari wala lang sa akin. Hindi ako lumingon. Kunyari wala akong pakialam. Ayoko namang ipakita sa kanya na I’m all over him. Pa-tweetums muna. Remember, high school pa lang ako. Inabala ko ang sarili ko sa pagbabasa kahit hindi ko naman naiintindihan ang mga letra. Lumabas na ang babaeng choco chip cookies at bumalik na sa pagtulog ang aking guro/teacher. Hinayaan ko na ulit ang sarili kong magpakalunod sa pag-iisip ng magandang platform.

Pero mukhang naging imposible naman iyon dahil distracted ako sa presence niya. Take note, presence pa lang niya ha. Hindi ko alam kung paano kapag kinausap niya ako. O diba, ibang level ang wishful thinking ko. Ano pa nga ba ang next na nangyari? E di alam niyo na! He approached me. I can actually die right now. Kill me. Kill me softly! OA na ako. Anyways, ayun, nilingon ko siya at bumati rin while flashing my best smile. Doon pa lang kami pormal na nagkakilala. Pero Crush pa rin ang itatawag ko sa kanya para na rin mapangalagaan ang kanyang pagkatao. Pasimpleng mga tanong, pasimpleng titig, pasimpleng amoy. Amoy? Shit, ang manyak ng dating ko! Pero ang bango niya. Grabe, buti na lang personal journal ito kasi nakakahiya na ang mga pinagsasabi ko dito.

Doon na kaya magsisimula ang espesyal naming pagtitinginan? I’m crossing all my fingers! Yes, all of ‘em!



6/26/08

Guess what, PJ?! May pangalan ka na!!! PJ as in Personal Journal! O diba, your name sounds macho!! Again, guess what, PJ??! I won!!! Yahoooooo. Ang saya-saya. Ako na ang bagong Internal Vice President ng student council. Siyempre, full force ang buong barkada sa pagkakampanya sa akin. I so love them. Landslide ba naman. Oha! Pero alam kong mabigat na responsibilidad ang kaakibat ng pagkapanalo ko. Pero kakayanin ko naman ang lahat kasi may first gentleman naman ako, si Crush.


Sorry, PJ kung puro si Crush ang laman mo ngayon. Kaysa naman paulit-ulit na pag-eemo ang ilagay ko rito. Mas okay na ‘yung masaya ako diba? Kahit ako lang ang nagmamahal, kahit alam kong masakit na mahalin siya. Ay! Hindi na ako emo!  Inspired na ako. Pero honestly, medyo bumaba ang level ng infatuation ko kay Crush. Siguro kasi dahil nakikilala ko na siya? Nakikita kong hindi pala siya perfect. Madalas nakikita ko siyang nakanganga habang nag-eexplain ang Trigonometry teacher ko. Minsan pa nga, nahuli ko siyang tulog sa Chemistry class. Pero umaariba si Crush pag English time. Pag siya na ang nag-recite at nagsalita, wala nang gustong sumunod. Okay, nalalayo na tayo. So, ayun nga. Ano na namang kalandian ang ikekwento ko sa’yo ngayon?

Before anything else, hindi ako malandi. Nagiging friendly lang ako. Promise! Takot ko lang, baka bigla niya akong sapakin. Anyways, so what happened kanina? Ayun, muntik na yata akong atakihin ng asthma ko sa sobrang kilig na naman. I’m so happy after dinner kanina nang magbasa ako ng mga unread messages sa phone ko. Nagtext si Crush!!! He congratulated me for winning. Siyempre, hindi ako agad-agad na nagreply. Baka naman kasi isipin niya hayok na hayok ako sa kanya. Konting pa-demure muna, siyempre. Hindi naman kasalanan ‘yun. After ko mag-wash up, diretso sa kama at buong ngiting sinagot ang message niya. Bumalikwas ako ng paulit-ulit pero wala na siyang reply. Magsisimula na sana ako magsulat sa’yo, PJ nang biglang nag-vibrate ang phone ko. Kasabay iyon ng pag-vibrate rin ng puso ko. Parang ang bastos ng dating?

Napaka-caring yata ng tanong ko sa kanya after niya mag-reply. Tinanong ko siya kung bakit gising pa siya. Hindi ko kinaya ang sinagot niya. Muntik ko na yatang mabato ‘tong laptop sa saya. Here’s what he said – KASI GISING KA PA. Hindi all caps ha? Baka isipin mo matanda na si Crush. Nilakihan ko lang for emphasis. Siyempre, pakipot pa ako at nag-joke na akala mo maton na maton ako. Agad din naman niyang binawi ang kanyang sinabi. Pero ewan ko, ang bilis ng pagiging komportable ko sa kanya. Ihahanda ko na ang sarili ko, pati ang maraming tissue paper, sa nalalapit naming pagkakaibigan. For sure, masasaktan na naman ako dahil kaibigan lang ang magiging turing niya sa akin. Uusbong pa ang nararamdaman kong pagkamangha sa kanya dahil makikilala ko ang tunay na si Crush.

Ay, wait. Parang na-contradict ko ang sinabi ko kanina. Anyway, mawawala talaga siguro ang pagka-crush ko sa kanya. Kasi… Mapapalitan ito ng… Pagmamahal. Ayyyyyy!!! Bakit ngayon pa lang nasasaktan na agad ako? Ewan, para lang akong baliw. Sabagay, baliw naman talaga. Baliw sa kanya.

Hay, PJ! I should not be thinking ahead diba? Takot ko lang pag sumagot ka. Pero seriously, siguro I just need to go with the flow. Mahirap pangunahan ang mga bagay-bagay. Kasi may kasamang takot. Kaya ang nangyayari tuloy, kahit na gustung-gusto natin, hindi ginagawa kasi natatakot. O diba, redundant?

Ayan, nagreply na ulit si Crush! Wait…. Feeling ko kami na!!! Kung makapagpaalam sa text na matutulog na, ang haba-haba. Akala mo hindi na magigising. GOOD NIGHT! SWEET DREAMS. SLEEP TIGHT. SEE YOU TOMORROW! GOD BLESS! Wait, may kulang!! O diba, ang OA na nga ng parting message niya, may kulang pa rin para sa akin. Pero, promise! Meron talaga eh.

Magha-hatinggabi na pala at malo-lowbat na rin ang laptop ko. Ako ay matutulog na dahil naghihintay na si Crush sa akin doon. Ang lala ko na. Swear! Tomorrow is another day, magkikita na naman kami! Excited na akoooo.

Anyway, PJ… Ayun, I love you! Crush, bakit walang I love you???!!!



07/02/08

I had the greatest lunch break ever, PJ! Hindi ko alam kung may epidemya kanina sa mga kaibigan niya pero sabay-sabay silang nawala sa klase namin. Kaya naman, he was left with the only choice of spending lunch time with me. O diba? Kilig na kilig ako kasi he asked me kung pwede daw ba siyang sumabay sa akin mag-lunch. Hihindi sana ako para magpapilit pa pero who could say no to those eyes?!! Haaaaaaay. Hindi pa man ako kumakain kanina, busog na agad ako. Pakiramdam ko kanina, PJ, kaming dalawa lang sa canteen. Parang biglang naging distant ang lahat ng ingay at tanging siya lang ang nakikita ko. Kaso…


COMPLETE SILENCE. Hindi ako makapagsalita like usual. Kasi naman kaming dalawa lang ang magkasama. Isang tanong, isang sagot ang drama. Nagpaalam siya saglit na may bibilhin lang daw ulit. Buti na lang talaga lumayo muna siya kasi hindi na ako makahinga. Pinagpapawisan na rin ako kahit na malamig sa canteen. Pagbalik niya, may dala siyang iced tea para sa akin. How sweeeeet! Libre raw niya iyon dahil sa pagpayag ko na sumabay siya sa akin. Iniwan ko muna ang mga friends ko sa room kung saan kami talaga laging kumakain ng lunch.

He never ran out of questions. Tanong tungkol sa student council, sa studies, sa lahat na. At alam mo kung ano lang ang natanong ko sa kanya? Eto: Nasaan mga friends mo? Ang loser diba? Napakawalang kwentang tanong! Ayun, nag-cut ng class ang barkada niya. Ayaw daw niya sumama kasi ‘bad’ yun. Natawa ako sa pagkakasabi niya ng ‘bad’ kanina. Para siyang bata! Shit, super innocent ng dating. Haaaay! He’s a good boy na mukhang bad boy. Ewan. Basta nakakatuwa lang. Ayun, nag-ease up naman ako at naging maganda na ang flow ng conversation namin kahit na may mga moments na feeling ko natutulala ako kasi tinitigan ko ang mukha niya. Ang saya na eh! Biglang nag-bell. Nakakainis! Bitin ako! Pwedeng isang oras pa??

Naghiwalay kami ni Crush pagdating sa room dahil alphabetically arranged ang seat plan namin. Katabi ko ang isang barkada niya so empty seat iyon ngayon dahil nga nag-cut iyon. Ang boring! Super. Nakakaantok, busog pa naman ang kaluluwa ko, este katawan pala. Ang haba ng notes na isusulat, hindi na nag-discuss. Para akong naalimpungatan nang marinig ko ang boses ni Crush. Napakalambing nito sa aking mga tainga. Pakiramdam ko ako’y biglang inawitan. Whaaaaaaaaaaaaaaat? Anyway, hindi raw niya makita kaya nagpaalam ito na kung pwedeng lumipat sa harapan. May magagawa ba ang teacher namin na para kaming ginagawang elementary dahil kada tapos ng klase at nagpa-notes siya ay pinipirmahan niya isa-isa ang aming mga notebook.

Napansin ni Crush na antok na antok ako dahil sa tabi ko siya umupo. Nasa pangalawang row ako nakaupo habang siya ay nasa likod. Kakaiba rin ang trip ng teacher kong ‘to eh. From Z-A ang arrangement. Bakit kaya hindi niya subukan ‘yung alternate?? Like A Z B Y C X, etc. Diba, para may thrill naman. Pero grabe talaga ang kaantukan ko nang mga oras na iyon kahit katabi ko na si Crush. Nahulog ang notebook ko. Promise, hindi ko sadya! Cross my heart, mamatay man si… Basta, promise! Siyempre, kusa akong yumuko para abutin yun. At the same time, yumuko rin si Crush para siya ang kumuha. Such a gentleman, he is! E kaso, nagkauntugan naman kami. Ayun, nagising talaga ako. Owww!! Ang sakit naman kasi. Ang tigas ng ulo niya (no pun intended). Panay ang sabi niya ng sorry sa akin habang hawak niya ang ulo ko at marahang hinihimas iyon. Hanggang sa umambon dahil sa malakas na “Shhhhhhhh” ni Madam Notes! Kairita diba? Libre ligo?

Masakit talaga, PJ. Sana iba na lang ang nagkauntugan sa amin. Sana… Lips na lang. AY! Mahalay. Bata pa ako, bawal pa. Hindi pa diyan natatapos ang lahat, PJ. Hanggang pagbaba sa hagdan ay sumabay siya sa akin. Sabay na rin sana kami pauwi kaso may gagawin pa ako sa student council kaya hindi agad ako makakauwi. Sayang, pagkakataon na sana iyon na makasama pa siya ng mas matagal. Pero I can wait naman. Good things come to those who wait, diba?

At mukhang ako yata ang good thing. Bakit, you might ask? Kanino darating ang good thing? To those who wait, diba? Halos isang oras ako sa maliit naming office at busy sa paggawa ng mga posters para sa paghahanap ng committee members. Mag-aalas singko na pero nagkalat pa rin ang mga high school students sa grounds. May mga pawisang lower years na naglalaro ng basketball. May mga maaarteng babae na nakatambay sa swing. Rinig ko ang mga matitining nilang tawa. Iyong ilan kong classmates ay nakatambay rin sa mga kubo at malakas ang tawanan nila. Pauwi na sana ako nang maisipan kong dumaan sa kanila.

Kaya naman pala ang saya-saya ng mga kaklase ko ay dahil naroon ang isa sa mga teachers kong, well, kauri ko. Honestly, hindi ko siya feel. Hindi ko alam kung bakit. Math teacher ko siya. Lalo akong nainis sa kanya nang nakita kong nakapulupot ang kanyang kamay sa braso ni Crush! Kilig na kilig ang mga kaklase ko habang umaakto ang teacher ko na girlfriend ni Crush. Siyempre, joke lang ang lahat. Pero nainis ako. Ako dapat ang humahawak sa kanya! Grabe, possessive ako.

Agad na nagpaalam si Crush sa kanila nang makita niya ako. Hindi ko alam pero parang nagkaintindihan kami sa tingin. Isang malaking halakhak pa ang iniwan niya sa mga ito nang mag-drama kuno ang teacher namin na ipinagpalit siya ni Crush sa akin. Sa isip-isip ko, akin talaga siya. He can never be yours. Tanda mo na kaya, hello???

Malayo-layo ang lakarin ko papunta sa sakayan. Ayoko na kasi magpasundo para naman matuto ako mag-commute. Napag-alaman ko na sa parehas na lugar din sumasakay si Crush kaya swerte, may kasabay ako. Kinailangan ko pang pumila dahil terminal iyon. Si Crush naman ay sa kabilang linya dahil magkaiba kami ng ruta. Feeling ko naiwan sa campus ang buhok dahil sa haba! Pumila siya sa linya naming hanggang sa makasakay ako. Hindi ko alam kung talagang ganoon lang siya kabait o may something din siya sa akin? Okay, feeler na ako. Grabe, sobrang saya talaga ng araw na ito! Ang dami naming napagkwentuhan. Nawala na totally ang pagkailang ko sa presence niya. Sobrang inspired ako na naririnig ko lagi ang boses at nakakasama ko siya.

Iniisip ko na lang na I should just go with the flow. Kasi ayoko namang masira ‘yung blooming friendship namin. Ayokong magpakita ng signs sa kanya na iba ang tingin ko sa kanya. Sa nakita ko kasing reaksyon sa kanya kanina habang “nilalandi” siya nung teacher naming parang linta, halatang ilang siya sa ganon eh. Bigla ba naman ang alis nang makita ako. Kaya baka pag nalaman niya, layuan niya ako. So, I’ll just bury this love, I mean, this infatuation I’m feeling for him. Ang lalim na ng sinasabi ko, antok na kasi ako.

Hay, PJ. Sana lagi na lang absent ‘yung friends niya para sa akin siya ulit sasabay. Good night!



07/09/08

Naiinis pa rin ako hanggang ngayon! Bakit kailangang maglandian sa harapan ko? Hindi ba nila nararamdamang nasasaktan ako?! Joke lang! Pero, PJ, naiinis ako sa kalandian ng bestfriend kong yun! Hay. Kung makahaplos sa braso ni Crush! E papaluin lang naman niya dahil sa lame, yes LAME talaga, na joke ni Crush! Kairita! Kalbuhin ko ‘yang si Trixie eh!


Maiba tayo, nagkakamabutihan na kami, I mean, nagiging close friends na kami ni Crush. Pero siyempre, hindi lang naman yung kaming dalawa (how I wish!). He started hanging out with my group tuwing recess. Tapos kapag lunch, doon siya sa original niyang friends. Tapos kapag dismissal, solo ko na siya. JOKE! Ang bilis ng takbo ng araw, isang buwan na lang, periodical exams na! Sorry, PJ, kung medyo madalang ako magsulat. Kasi naman, daig ko pa ang booking ng artista sa sobrang busy. Pero masaya naman ako. Enjoy naman lalo na nandyan siya. KILIG!!!

Dahil nga madalas na kaming magkakwentuhan ni Crush, nakikilala ko na talaga siya. Parang happy-go-lucky ang dating niya pero malalim din pala siya. Mas gusto niya ang mga seryosong usapan kaysa sa mga biruan. Pero siyempre, nagtanong ako sa kanya kung bakit doon sa barkada nila, parang puro gimik ang inaatupag nila. Nakikisama lang naman daw siya. Katulad ko, may pagka-home buddy din pala itong si Crush. Mahilig lang siyang maglaro ng basketball sa backyard nila.

And speaking of that freaking sport, kaninang recess nabilaukan ako kasi nalunok ko agad ‘yung kinakain kong brownies! Napakagaling din kasi nitong si Crush! Yayain ba naman akong maglaro ng basketball!!! Ano namang alam ko sa pagdi-dribble at pagshu-shoot ng bola?! Hindi ko nga maintindihan ‘yung larong iyon tapos yayayain niya ako! Ayoko kaya ng pinapawisan. Tapos magkakadikit pa kayo, edi parang ang awkward diba?! Naging honest naman ako sa kanya at sinabi kong hindi ako naglalaro nun. Tinanong niya ako kung ano daw ang sport ko. Sabi ko, piko. No joke! Tawa siya ng tawa. Pero syempre, binawi ko rin agad. Tiningnan ko lang kung paano siya magre-react. Isa iyon sa mga nakakatawang pag-uusap namin lalo na nung nag-piko siya sa corridor! Inasar ko siya ng inasar kasi alam niya. Sumakay naman siya at sinabi niyang naglaro rin daw siya ng 10-20 at patintero nung bata pa siya. Hay, PJ! Lalo yata akong nai-inlove. Wala siyang kaere-ere sa katawan. At mukhang wala siyang judgment sa mga tulad ko.

Balik tayo sa maarte kong bestfriend na si Trixie. Kahit na nakakainis ang ginagawa niyang panglalandi kay Crush, thankful ako sa kanya ngayong araw na ‘to dahil na-extend ang pagsama ni Crush sa amin. After dismissal, akala mo parang linta ‘tong babaeng ‘to kay Crush. Niyaya niya itong sumabay sa amin pauwi. Laking taka ko naman dito kay Trixie. Hindi kami parehas ng way pauwi. Mas mapapalayo kasi siya kung sasabay siya sa akin. Pero mukhang kina-career niya si Crush! Lalake lang si Crush at magandang babae si Trixie kaya naman ano pa nga ba ang sumunod na nangyari?

Napaka-perky ng kaibigan ko. Nasa gitna namin si Crush habang naglalakad papasok sa mall kung saan kami dadaan para makarating sa sakayan. Tahimik na lang ako at hinayaan ko na lang si Trixie na mag-enjoy sa attention ni Crush. Mabait akong kaibigan at alam kong wala akong laban sa kanya. Magkasundo agad ang dalawa. Habang ako medyo nababagot na. Pakiramdam ko ang layo ng nilalakad namin. Nang makalabas na kami sa kabilang dulo ng mall, nagpaalam na si Trixie at bumeso sa akin bago kay Crush. Abot yata hanggang batok ang ngiti niya nang maglapat ang cheeks nila ni Crush. Away na talaga ‘to!!! Hindi ko kayang gawin ‘yun kay Crush! Takot ko lang. Baka bigla akong sapakin. Tiningnan pa namin ni Crush si Trixie na tumawid papunta sa LRT station bago kami maglakad parehas papunta sa sakayan. This is my time to shine!!!

Pero ewan ko, natahimik ako. Ang tindi kasi ng selos na naramdaman ko. Hindi man lang makiramdam si Crush at lambingin ako. Hayyyy! Ang hirap magmahal nang ikaw lang. Ok, anyway!!! Siya ang nagsimula ng conversation namin. Isang tanong, isang sagot ang drama ngayon. Kilig to the balls, I mean, bones ako nang tinanong niya ako with those puppy eyes – “Okay ka lang ba?”. Siyempre, nagsinungaling ako at sinabi ko agad na “Oo.” Pero mabilis din iyong napalitan ng “Hindi” nang makita ko ang napakahabang pila sa terminal. Sinabi niya na sasamahan daw muna niya ako para makapagkwentuhan daw muna kami habang naghihintay. Nakakahiya! Pero alangan namang humindi ako diba??? Pero sa una, syempre, pa-demure. Tumanggi ako kasi nakakahiya naman talaga. Pero he insisted. Edi okay! Bawing-bawi naman. Ano ka ngayon, Trixie?! Ako pa rin ang nanalo. Bwahahahaha.

Pakiramdam ko lalagnatin ako sa sobrang kasiyahan. Bumili pa siya ng softdrinks para sa aming dalawa na nakalagay sa plastic at may straw. Hay! Hindi naman kahabaan ang pila sa terminal nila kaya okay lang daw na samahan niya muna ako. Bago pa ako sumakay ng FX, siya pa ang nag-thank you sa akin. Nang umandar na ang sasakyan, tinext ko agad siya at nagpasalamat din ako. Palubog na ang araw noon kaya naman sinabihan ko siyang mag-ingat at magtext pagkauwi. Ayun, PJ. Hanggang ngayon, magkatext pa rin kami.

Napapaisip ako, PJ. Hindi pa ako nagkakaroon ng intimate relationship ever. Pero ano kayang pakiramdam kung kami? Paano kaya kung parehas kami ng nararamdaman? Hay! Sana dumating ang araw na iyon. Pero natatakot akong magsabi sa kanya. Baka hindi niya ako matanggap. Pinagkakatiwalaan na niya ako.



08/26/08

Hello, PJ!!! Tagal na since the last time na nagsulat ako. Madalas kasi pag-uwi ko, tulog na ako agad. Halos hindi na nga ako nakakapag-dinner eh. Katatapos lang ng first periodical exams. Grabe, naubos lahat ng brain cells ko! Dami kong kwentoooooo…

Dahil half day lagi kami last week, mahaba ang time para mag… LAKWATSA! Bakit??? Kelangan aral lang lahat? Pwede kayang magpahinga. So naging laman kami ng SM hanggang hapon. Kain kung saan-saan, pasok sa mga boutiques, punta sa Quantum at siyempre, VIDEOKE! Pero hanggang around 4pm lang kami nagliwaliw para hindi kami mahirapan umuwi tsaka para makapag-aral na rin. Plastik no? Hahahaha! Ang saya kaya! Tama nga siguro sila. Third year talaga ang pinakamasayang year sa high school.


E, PJ!!! Kinakabahan ako kay Crush! Feeling ko may idea na siya na crush ko siya. Masyado na yata akong obvious. Kahit hindi ko yata sabihin, makikita mo na sa mga mata ko ang pangalan niya. Makikita mo rin sa mga smiles ko. Maaamoy mo pa nga sa pawis ko ‘pag PE time e. Hahahaha! Excuse me, mabango ako! At hindi ako defensive. Promise, hindi talaga. Anyway, ayun nga. Kasi naman… May katangahan akong nagawa nung third day ng exams. Waaaah! Sana nilamon na ako ng wall nun! Sobrang nakakahiya talaga. At panay ang alibi ko. Ganito kasi yun…

Edi masaya kami nina Trixie and other friends na nagre-review. Weird lang no? Nagre-review pero masaya. Hayaan na ang kaplastikan. Hahaha! Sumali si Crush, edi siyempre distracted ako. Pa-impress! Tuwing may tanong si Trixie, sagot agad ako. Mga 4 out of 10 naman ang tama. Pagpasensyahan, mahina ako sa chemistry. Kainis kasi si Crush, ang bagal akong ligawan. Ano daw??? Tapos, mahirap ang mga tinatanong ko sa kanila para kunyari nag-aral talaga. Si Crush sagot ng sagot! Take note, perfect!!! Sarap batukan e. Joke! Masyado akong naka-focus kay Crush noon. Feeling ko kaming dalawa lang ang nag-aaral. Wala akong pakialam sa maingay kong kaibigan na si Trixie. Ngiting-ngiti ako nang biglang mahulog ang phone ko dahil natamaan ng isang classmate ko ang upuan ko. Nagmamadali kasing lumabas! Ayun na! Nangyari na ang hindi dapat mangyari. Nagulat ako ng sobra na nasigaw ko ‘yung name ni Crush! Sabi ko, “Ay, Crush!!!”. Siyempre, hindi Crush ang name ni Crush. Ginamit ko lang ang Crush para protektahan ang imahe ni Crush. Intiendes? Muy bien.

Initial reaction ni Trixie, “Ano?”. Ang dami ko nang sinabi na kahit ako hindi ko na naintindihan. Pero ayaw akong tigilan ni Trixie sa pang-aasar. Buking na nga yata talaga ako. Anong gagawin ko???! Si Crush naman, patay malisya! Akala mo walang narinig. Kinabahan ako nun. Pero ang mas weird pa, kinabukasan sumama siya sa amin sa gala sa SM. Kumain kami sa McDo. Hindi naman kami magkatabi kasi super obvious namang kami na. HUH??? Erase, erase! Magkaharap kami. Kasama naming sina Trixie and our other friends. Ang babaw ko, shit! Siya ang nagbukas ng catsup ko at naglagay sa tissue. Kinilig ako. Tapos ‘yun pala siya rin ang uubos! Badtrip!!! Pero kinapalan ko na ang mukha ko at doon na rin ako nagsawsaw ng fries. Sumama rin siya sa amin mag-videoke. SANA HINDI NA LANG! Lalo akong na-inlove!!! Kasi… Kasi… Ang sintunado niya kumanta! Ewan ko ba, PJ! Parang mas nadagdagan ang appeal niya sa akin. Ang lakas kasi ng loob niya na kumanta kahit alam niyang hindi maganda ang boses niya. Tapos panay pa ang ngiti. Whew!

Tapos ayun, sabay ulit kaming umuwi. Wala pang pila kaya nakasakay kami agad. Naging busy na ako sa pag-aaral pagdating ko sa bahay tapos nakatulog ako agad. Pagdating ko kanina sa school, diretso ako sa Principal’s Office para kuhanin ang mga gagamitin para sa flag ceremony like mic, radio, flag, etc. Wala pa ‘yung higante naming kasama sa student council para magbuhat ng speaker. Ang tagal naman kasi matapos nung stage namin kaya temporary pa lang ang sound system na ginagamit. Naghintay muna ako sa may maliit na stage pero 10 minutes na lang at flag ceremony na pero wala pa rin ang higante!!! Nagpanic na ako. Tumakbo ako pabalik sa Principal’s Office. Kahit ayoko, ako na lang ‘yung nagbuhat ng speakers! E ang bigat?!! Grabe, wala pa man din ako sa kalagitnaan ng nilalakad ko, pawis na pawis na ako. Super dyahe talaga kasi nilapitan ako ni Crush! Gusto ko sana bitawan yung speakers na bitbit ko para magpunas ng pawis pero baka naman masira pag nabagsak ko. Feeling ko lalong uminit lalo na nakita ko si Crush na bagong ligo. Ang bango niya!!! Manyak lang no?

Ang ganda lang ng bungad ni Crush sa akin! Ang sarap batuhin ng speakers. Sabi niya, “ O, ang aga-aga, haggard ka na agad.” WHAAAAAT??! Ilang beses nga akong naghilamos para matanggal ang mga blackheads ko tapos sasabihan niya ako na haggard?! Kainis lang! Nakakainis talaga. Natarayan ko yata siya kasi ang sabi ko lang, “Salamat ah.” Pero he still insisted on carrying the speakers. Hihindi pa ba ako? E ang bigat kaya! Try mo. Panay ang sorry niya sa akin sa may stage. Hay! Sana kinuha niya ‘yung mic tapos publicly siyang nag-apologize with matching pagluhod pa! Haaaay.

Umabot hanggang tanghali ang inis ko sa higante kong co-officer at kay Crush. Kaya naman hindi na ako sumama sa gala. Diretso uwi na ako. Kay Trixie lang ako nagpaalam at hindi na kay Crush. Malas pa, sa gitna ako ng FX napasakay tapos ang lalaki pa ng mga katabi ko. Halos makipaghalikan na ako sa bintana. Buti na lang nakatutok sa akin ang aircon kasi kung hindi, bababa talaga ako. Malas times two kasi SUPER TRAFFIC! Napakabagal ng andar namin. Napatingin ako sa labas. Hilig ko kasi ‘yun tuwing bumibiyahe kahit na familiar na ako sa lugar. Awkward naman kasi kung tingnan ko isa-isa yung mga katabi ko diba?

May isang lalaki ang biglang ngumiti sa akin. Nagulat ako. Ay! Kilala ko to! Na-recognize ko ‘yung dimples niya sa upper cheek! Siya ba talaga ‘yun?! Napangiti rin ako pero pilit. Kaso biglang umandar naman ‘yung FX. Kairita. Sarap batukan ni Manong. Pero, huminto ulit at nagkatapat na naman kami! Kung ano-ano nang expressions ang pinagagagawa niya. Hindi ko na napigilang matawa! Tinext ko siya – “Hoy, Crush! Adik ka ba?! Ang daming nakakakita sa’yo.” Aba, ang bilis ng reply – “Paki nila? Uy, nagalit ka yata sa akin kanina. Binabawi ko na, hindi ka na haggard. Gwapo ka na. Mas gwapo ka nga sa akin e.”

Nakatingin siya sa akin kaya naman pilit kong tinago ang pagkakilig ko. Baka bigla kong masiko ‘yung katabi ko. “Mas gwapo ka kaya” ANO DAW YUNG NI-REPLY KO?????!!! Sheeeeet, patay! Huli na! Bigla akong napatingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko nang nakita ko siyang binabasa niya ang message ko sa kanya. Gusto ko nang iuntog ang sarili ko sa bintana kaso baka mabasag. Ayokong magbayad para doon. PJ!!! Hindi ko na kinaya ang reply niya.

“Ikaw ah. Crush mo ko, no?”

Anong gagawin ko??!! Maygaaaaaaaad!!! Pasagasa na kaya ako?! Waaaaaaah!! Sana lamunin na ako ng lupa! I’m so careless!!! Nakakainis!



11/02/2008

O my God! Sorry na, PJ at ngayon lang ako nakapag-update rito. Alam mo na, ang daming happenings sa school. Since karamihan ng kasama ko sa council ay graduating, hindi sila ganon ka-focus sa mga extra-curricular activities. Ewan ko ba, bakit pa sila tumakbo kung ganon lang din pala? Diba? Nakakainis na nga kasi ako na lang lagi ‘yung may ginagawa. Around 8PM na ako nakakauwi almost every night dahil sa dami ng kailangan tapusin. Daig ko pa ang totoong nagtatrabaho diba? Pero kasi committed ako sa ginagawa ko kaya ganon. Pero ang daming nangyari for the past months! Pero yung recent na lang ang ikekwento ko sayo, since dun din naman ang bagsak nun.


So, you might ask kung kamusta na ako? Kahit hindi, sige sasagutin ko na rin para naman may masulat ako. Ilang buwan din akong hindi nakapagsulat dito. Okay naman ako. Masaya naman. Busy. Lalo na nung bago mag-sembreak kasi nagpunta ako sa Baguio for five days! Kasama ko yung buong council pati adviser namin. Plus may ilan pang mga volunteers. Nagkaroon kasi ng conference doon at, guess what, isa ako sa mga naging hosts! I represented the school! Siguro yun na ang reward sa akin kasi super effort ako talaga. Tapos yung mga iba naming kasama sumali naman sa different contests. Buti na lang talaga hindi ako nasali sa folk dance kahit anong pilit ni Kuya Pau! Ay, nabanggit ko na yung name niya. Hindi ‘yan si Crush ha. Si Kuya Pau ang, hmm, paano ko ba siya ipapakilala sa’yo? Basta, kaklase ko siya since first year. Close naman kami. Actually, ex siya ni Trixie. Malandi kasi ‘tong best friend samantalang si Kuya Pau, mukhang magiging valedictorian namin. Talino no? Siya mismo nakipaghiwalay kay Trixie kasi alam niyang makakasira yun sa pag-aaral niya. Pero pinapalabas ni Trixie na siya ang nakipag-break. Siyempre, sikat sa campus ‘tong malandi kaya ganon. Hinayaan ko na lang. Dun siya masaya.

You might ask, bakit Kuya Pau? Kung hindi mo rin tatanungin, sasagutin ko na rin para humaba pa ‘to. Hiya naman ako sa’yo, PJ! Halos lahat sa batch ay kuya ang tawag sa kanya. Hindi dahil mas matanda siya sa amin. Yung aura niya kasi parang kuya talaga. Pag nahihirapan ako sa Chem, sa kanya ako lumalapit. Tapos pag napapansin niyang lagi na akong wala sa classroom dahil sa council, pinapagalitan niya ako. Given na wala akong kuya, super appreciated ko siya and I consider him as my confidante. He knows my problems and all. Pero hindi niya alam yung about kay Crush. Parang nahihiya kasi ako sabihin sa kanya.

Bukod sa council, kasama si Kuya Pau sa trip to Baguio. Katabi ko siya sa bus. Nandun din si Trixie. At katabi niya si Crush! Okay, simula nung tinext ako ni Crush at pa-joke na nagtanong kung crush ko siya, medyo nailang ako. Swear! Pero hindi ko naman pinahalata, yun nga lang nabawasan yung time na kasama ko siya. Natatakot akong tanungin niya ako ulit ng seryoso. Baka bigla ko siyang mayakap. Hahaha!

Anyway, may kakaibang sweetness ‘tong si Kuya Pau. I mean, parang wala siyang paki kung lalaki ang kasama niya or what. Napansin ko rin yun sa iba naming kaklase. Minsan pag lunch break, may nakakandong sa kanyang kaklase ko. Straight ‘yun, I know it! Basta. Pero wala lang sa kanya. Tapos nung one time na natutulog ako sa desk ko, ihinilig niya ang ulo niya sa ibabaw ng ulo ko. Nagulat ako pero hinayaan ko na lang. Tapos nag-uusap kami, sakto yung bibig niya sa tainga ko. Tinatanong niya kung may sakit daw ba ako pero sabi ko pagod lang. Sila pa ni Trixie nun pero hindi naman nagseselos yun. Duh?? Haha!

So, halos kalahati yata ng biyahe namin, tulog ako. Una, nakahilig yung ulo ko sa bintana. Talagang sinabi ko kay Kuya Pau na sa window seat ako uupo kasi nahihilo ako kapag hindi. Pero dahil paliko-liko ang daan, nauuntog ako. Kamusta naman?! Baka pagdating namin ng Baguio, may extra head na ako! Haha! Si Kuya Pau, bilang super sweet na nilalang, nilagay niya ang kamay niya sa pagitan ng ulo ko at ng bintana. O, akala mo sa balikat na niya ako matutulog no??! Hahahaha! Mamaya pa ‘yun. Joke! Haha! So, mas naging komportable na ang tulog ko. Nagising na lang ako nang kinukulit niya ako kasi malapit na raw kaming bumaba. Nag-thank you naman ako sa kanya dahil sa ginawa niya.

Apat lang kada room ang pwede doon sa house namin sa Teacher’s Camp. Medyo creepy, ewan ko ba! Malas, hindi ko pa kasama si Crush sa room. Tsk! Sayang. Hahahaha! Oy, wala akong balak ha. Anyway, kasama ko naman si Kuya Pau. Diretso agad kami sa hall kung nasaan magmi-meet ang lahat ng delegates from different school ilang minutes lang bago namin maibaba ang mga gamit namin. Ipinakilala ako ng principal namin sa principal ng school kung saan nag-aaral ang makaka-partner ko sa hosting para sa third day ng conference na ‘to. Okay naman at medyo nagkakwentuhan. Nakita ko mula sa malayo sina Trixie na masayang nagpi-picture-an. Aba, kung makahawak kay Crush, parang linta! Malakas ang pakiramdam kong pinagseselos niya si Kuya Pau.

Hindi na worth writing ang mga sumunod na nangyari. Basta, nag-dinner kaming lahat sa food hall tapos bumalik na kami sa house para magpahinga. Maaga kasi ang opening ceremony kinabukasan kaya ayun. Si Kuya Pau lang ang kausap ko sa room dahil dalawang freshmen ang kasama namin na mukhang sumama lang para makaiwas sa klase. Pero members daw sila ng Dance Troupe. Nahihiya silang kausapin ako, or should I say natatakot kasi alam nila kung gaano ako ka-strikto. At dahil nga mga bata pa, masunurin. Nung sinabi kong matulog na sila, wala pang labinlimang minuto tulog na. Bale ang arrangement ng kwarto ganito. Isang double deck at tsaka dalawang single bed. Nasa double deck yung dalawang bata. Tapos tig-isa kami ni Kuya Pau ng kama. Kinatok muna kami ng adviser namin para i-check kung okay pa ba kami. Buti na lang talaga hindi sumama yung asungot na Math teacher namin na may crush kay Crush!

Nag-good night na ako kay Kuya Pau nang pinatay niya ang ilaw. Pero hindi ako makatulog. Iniisip ko si Crush. Kamusta kaya siya sa kabilang kwarto? Sana nandito siya para mayakap ko siya. Nilalamig kaya ako. Walang effect ‘yung kumot! Lumalandi na naman ako. Ang dami kong naiisip nun, PJ. Ano kaya kung sinagot kong ‘OO’ nung nagtanong si Crush kung crush ko ba siya? Magagalit kaya siya sa akin? O baka tawanan lang niya ako? Hay. Alam ko naramdaman niya ang pag-iwas ko sa kanya. Napansin ko kasi na tumityempo siya na kausapin ako ng seryoso pero mailap ako. Pa-girl? Nakakainis na ‘tong kalandian na ‘to. Pero kasi, PJ, nafi-feel kong magtatanong siya and natatakot ako! Kasi, kahit ganito ang sinusulat ko sa’yo (disclaimer: Seryoso ‘to. One sentence lang, pagbigyan.) Ayun nga, kahit ganito ang sinusulat ko sa’yo, sa totoo lang, hindi ko tanggap sa sarili ko kung ano ako.

Nasa ganyang state ako nang biglang nagsalita si Kuya Pau. He’s asking kung gising pa ako. Sabi ko, hindi na. Hahaha! Sabi ko sa kanya, nanaginip na ako na nasa beach ako at mainit dahil nakatutok sa akin ang sinag ng araw. Natawa siya ng slight kasi baka magising yung mga bata. Pero I doubt, grabe kasi yung isa humilik, daig pa ang tatay na manginginom sa kanto! Tapos… Tapos… Tinanong ako ni Kuya Pau kung nilalamig ba ako. Diba, napaka-caring niyang Kuya. Promise, kahit ganyan siya ka-sweet, hindi ako nagka-crush sa kanya. Sumagot ako ng oo. Nakatalikod ako sa kanya nun pero napaharap ako nang narinig ko yung ingay ng kama niya kasi inusod niya yun para magkadikit na yung kama namin. Tapos humiga ulit siya. Magkaiba naman kami ng kumot kaya PG-13 pa rin ‘tong post na ‘to. Nagkwentuhan kami sandali hanggang sa makaramdam na ako ng antok.

Nag-good night ako sa kanya for the second time around. Pero hindi na ako tumalikod ng paghiga sa kanya. Nakatagilid ako paharap sa kanya habang siya nakatihaya. Hindi ko alam kung ilang oras na akong tulog nun, basta nagising na lang ako kasi sobrang nilalamig na talaga ako. Tinawag ko si Kuya Pau na mabilis namang nagising. Edi sinabi kong nilalamig ako. Ayun, parang automatic naman siyang bumangon saglit at in-extend yung arms niya para mailapit ko yung katawan ko sa kanya. (May damit kami, PG-13 pa rin :) ) Then, ito yung exact words niya using his husky voice — ” Hmm. Hug na kita para hindi ka lamigin.” Kamusta naman at malapit na sa kili-kili ni Kuya Pau yung mukha ko?! Pero okay lang, mabango naman siya. Tsaka si Kuya Pau naman siya! Humarap siya ng konti sa akin tapos hinanap niya yung kamay ko. Magkahawak kasi yung dalawang kamay ko dahil sobrang lamig talaga. Yung kumot namin, pinagpatong na namin. Sabi niya, “Akin na ‘yan.” So binitiwan ko yung hawak ko sa kamay ko (o diba, ang emo? Hawak ko sarili kong kamay.) Medyo rough yung kamay ni Kuya Pau, lalaking-lalaki lang? Hahaha!!

PJ, ang haba na pala! Hindi naman ako ganado no? Basta, first night pa lang yan ha! Marami pa! Pero nung gabing yan, si Crush ang napanaginipan ko. Parang naulit lang yung nangyari pero instead na si Kuya Pau, si Crush na yung katabi ko! Kilig to the… max! Akala mo kung ano, no?! Hahahahaha! Pero yung nangyari nung second night, medyo mabigat. Sa susunod ko na lang isusulat.



11/04/2008

Hi, PJ! As promised, itutuloy ko na ang kwento ko sa nangyari sa Baguio habang fresh pa rin siya sa utak ko. O diba, ilang linggo na ang nakaraan pero fresh pa rin siya. Well. Ganon talaga. Hindi pa ganon ka-busy sa school since first week pa lang namin after ng sembreak. Kadarating ko nga lang, in fairness, ang aga pa. 4:12PM pa lang. Achievement, PJ! After school, diretso uwi agad ako. As in, walang stopover kahit saan. So, eto na.


Madaling araw pa lang, lumayo na ako ng paghiga kay Kuya Pau kasi baka makita kami ng mga bata. Mahirap na. Madudungisan ang reputasyon ko. Hindi na rin ako nakatulog nun kaya naman lumabas na ako ng kwarto. Pero siyempre, naghilamos muna ako at nag-toothbrush no! Haha! Sa may hagdan lang ako umupo habang hinihintay ko sumikat ang araw. Napamura ako nang biglang may humawak sa waist ko! As in isang malutong na &#^@$*!! talaga! Hindi naman talaga ako nagmumura on a daily basis. Kapag galit lang at nagugulat. Halos malaglag ako sa hagdan, PJ! Hindi ko kasi alam kung tatakbo ba ako pababa o sasapakin ko yung nanggulat sa akin. Buti na lang nakahawak pa rin siya sa waist ko at mabilis na lumipad yung isa niyang kamay sa braso ko.

Kahit hindi pa 100% ang visibility ko dahil medyo madilim pa, kitang kita ko ang pagkislap ng mga mata ni Crush! Tsaka yung mga ngipin niya kasi hanggang batok yata ang ngiti dahil sobrang nagulat niya ako. Pero, PJ, buti na lang hindi ako napatili. HAHAHAHA!! Tinulak ko siya dahil sa sobrang inis. Lalo naman siyang natawa. Naka-jacket siya at jogging pants. Amoy na amoy ko ang naghahalong bango ng sabon at perfume. Ang aga naman magpapansin ng gwapong ‘to, kainis! Hindi pa ako naliligo!!! Hahaha!

Umupo siya sa tabi ko at ang una niyang sinabi sa akin — ” Ikaw ah. Hindi mo na ako pinapansin.” Ay nahulog ang puso ko! Nami-miss niya ba ako? Pero siyempre, patay-malisya muna ako at isang stupid na “Huh?” lang ang sinagot ko. Naman, Crush! Ang aga-aga!!! Anyway, so ayun na. Sinabi niya nga ang napansin niyang pag-iwas ko sa kanya pero panay naman ang deny ko. At ang showbiz na “I’m busy” ang tanging alibi ko. Kinakabahan ako niyan, PJ! Pero I pushed my luck and asked, “Bakit, miss mo na ako no?” Ewan ko, siguro dahil gutom na ako kaya kung anu-ano na ang lumabas sa bibig ko. At, ay shit talaga, hindi ko na kaya!! Isang mahabang “Hmmmmmm” ang sagot niya sa akin bago mabilis na ihilig ang ulo sa balikat ko. Na-feel ko sa leeg ko yung basa niyang buhok. Pero super bilis lang nun tapos tumayo na agad siya pabalik sa bahay.

Hay, PJ! Hindi ko alam kung nadala lang si Crush ng weather, kasi super romantic ng early morning na yun. With the chirping birds and the cool breeze. Weird no? Lalo akong naguluhan. Parang na-glue yata ako sa kinauupuan ko at hindi ako makakilos. Talaga bang ginawa niya yun sa akin? Bakiiiiiiiit???! I wanted to ask him kaso ayokong bigyang-kulay yun. Nakakahiya. Halos mapatalon na naman ako nang marinig ko ang boses. Pero this time, mula na sa loob ng bahay. Medyo sigaw ang pagkasabi niya — “Maligo ka na, ang baho mo!” Tapos isang malakas na tawa. Syempre, hindi totoo yun. Ang bango ko kaya! Kahit nagwawala na sa pagtibok ang puso ko, pumasok na ako sa loob at hinabol siya hanggang sa pinto ng kwarto nila. Pinalo ko siya sa braso habang wala naman siyang tigil sa pang-aasar sa akin. Natigil lang kami nang lumabas si Trixie sa kabilang room at nagreklamo dahil ang ingay namin. Hitsura niya! Hahahaha!

Wala namang nagbago sa amin ni Kuya Pau kahit na medyo super close kami kagabi. With that, I mean Kuya ko pa rin siya at hindi iyon nahaluan ng kung ano lalo na’t nangyari ang nangyari kanina sa may hagdan with Crush! Naka-school uniform kami sa morning session. During breakfast, magkatabi sina Trixie at Crush. Napagitnaan ako ni Trixie at ni Kuya Pau. Kaharap namin ang mga first and second year students. Tapos kahilera namin ang mga seniors. Wala akong gana, hindi ko matingnan si Crush e. Landi! Hahahahaha. Naging mabilis lang ang morning session pero wala akong naintindihan kasi occupied ako kakaisip sa ipinakita ni Crush sa akin kaninang umaga. Huwag green-minded! Adik. Haha!

Bumalik kami sa house after lunch para makapagpalit ng casual clothes. Mabilis lang akong nagbihis at nag-stay ako sa common area habang kausap ang ilang seniors. Lumabas si Trixie sa kwarto nila. Balot na balot, hindi bagay! Hahaha! Tumabi siya sa akin. Ilang minutes lang, naglalakad na kaming lahat pabalik sa session hall. Nakapulupot ang kamay ni Trixie sa braso ko. Nagtaka ako kasi parang may bumabagabag sa malandi kong best friend. Kaya I asked. Nag-alangan pa siya at nag-dialogue, “Promise, hindi ka magagalit sa akin. Bestfriends pa rin tayo ha.” Kinabahan ako. At pinagpawisan. Nakakapagod kasi ang paglalakad. Hahaha!

Ang daming tumakbo sa isip ko. Magko-confess ba siya na may pagtingin siya sa akin? Hindi ko yata kakayanin yun. My curiosity got the best of me kaya naman kinulit ko na siya. Bumulong siya sa akin. At gusto kong magpagulong-gulong pabalik ng Manila when she dropped the bomb — “Kami na ni Crush.”

Parang gusto ko siyang sampalin nang mga panahon na iyon at sigawan siya nang “HOW DARE YOU??! Akala ko ba kaibigan kita!”. Wala na ako sa mood noong afternoon session. The Great Pretender” ang drama ko! Syempre, ayokong ipahalata sa lahat na broken-hearted ako. I cried myself to sleep that night. Katabi ko si Kuya Pau pa rin pero hindi na ako lumapit sa kanya. Nagtakip ako ng unan sa mukha para hindi niya marinig ang pag-iyak ko. Ang sakit kaya, PJ. Wala na si Crush. Kinuha na siya ng bruha.

Somehow I felt comfort when Kuya Pau slid his arms to my body. Nagulat pa ako when he said — “Tahan na.” Pero opposite ang nangyari. Lalo akong naiyak. Haaaaay.

Kahit tanong ng tanong si Kuya Pau sa akin kung anong problema, ayokong sabihin sa kanya. Hanggang ngayon, PJ, ako lang ang nakakaalam. Hindi naman nagbago ang pakikitungo ko sa dalawa. Honestly, I saw it coming. And I know naman na imposibleng maging kami ni Crush. Siguro yung pag-lean niya sa akin nung morning na iyon, lambing lang yun. Wala namang rule na bawal maglambing ang isang lalaki sa kapwa niya diba? Tao lang din naman sila. Ang masama lang siguro, e yung bigyan ko ng kahulugan yung ginawa niyang iyon. It’s a friendly gesture, napansin niyang hindi ko siya pinapansin kaya kailangan niyang magpapansin. Haha! I’m happy for the both of them. I just have to move on. Erase, delete, i-recycle bin na si Crush!!! (sabay iyak :’( ) Hahahahaha!!



01/07/2009

Hello, PJ!! Ngayon lang ulit ako nakabisita. Kasi umalis buong family namin papuntang States for nung Christmas vacation. Bongga diba? Hahaha!! Sina Lola kasi doon na based kasama ang mga kapatid ni Mommy. Ang arte nga eh. Ayaw magpatawag ng Lola, dapat daw Granny or Granmum. Kaya naman pagkakita ko sa kanya, isang malakas na “LOLAAAAAA!!!” ang sinigaw ko bago ko siya niyakap.


Super bonding kami ng mga cousins ko. Plus may mga nakilala pa akong new friends. I love it! Very international ang level. May mga Pinoy din pero na-challenge ang English skills ko talaga sa mga Americans. In fairness, mababait sila. Tsaka, ang gugwapo! Nakakahimatay ang mga itsura. Pero ewan, iba pa rin ang appeal ng Filipino. Meron dun isa, nagbabakasyon lang din siya like me. He’s cute. Pero masyadong maputi. Parang hindi nadudungisan. Haha. Gusto ko kasi yung mga tulad ni Crush na parang okay lang madumihan. Hahahahaha!

Ayun, napakarami naming pinuntahan. Baka nga hindi na ako mag-aral next school year kasi naubos na ang pera namin. Hahaha!! Masaya naman, nakapag-Disneyland na ako. Sayang nga, gusto ko sana magpunta sa New York kaso sa kabilang coast siya, masyadong malayo. May mga days na boring. May mga nasulat ako doon sa’yo PJ, pero ewan ko ba, hindi ko na feel isulat dito. Paano ba naman kasi, puro tungkol sa heartaches ko yun. Dahil malayo ako, masyado akong naging emotional. Homesick! OFW ang drama? Hahaha! I don’t wanna bore you with details about how I’m coping up after my bestfriend betrayed me and the man of my dreams fooled me. Hala, ano daw?

Third day na ngayon simula nang makita ko ulit sila. Sarap pag-untugin eh! Haha! May alam ka bang bilihan ng langgam? Yung pula na malalaki? Napaka-sweet kasi nila. Ako na mismo magdadala ng mga langgam at ibubuhos ko sa kanila! Hahaha. Hindi naman ako bitter diba? Ang saya-saya ko kaya. Nung nagkita nga kami ulit ni Trixie nung Monday, ang higpit ng yakap ko sa kanya. Syempre, na-miss ko ang best friend ko. Perfect na sana yun para saksakin siya sa likod tulad nang ginawa niyang pagbe-betray sa akin. Sorry naman, hindi ko alam ang Tagalog ng betray. Hahaha! Syempre, marami akong pasalubong sa kanila, puro chocolates na expired. Joke lang. Hahaha!

Ngayong back to normal na ulit, honestly PJ, naiinis ako kay Crush. Seryoso ‘to ah. Okay naman talaga sa akin na sila. E kung si Trixie talaga ang tinitibok ng puso niya eh. Mahirap namang ipilit ang sarili ko sa kanya diba? Pero ang nakakainis dun, parang hindi na ako nag-eexist. Nakuha lang niya si Trixie, nawala ako bigla sa eksena. Nung Monday nga, isang nod lang ang binigay niya sa akin habang si Trixie halos mahimatay na nang makita ako ulit. Wala man lang smile???! Ano yun? Gamitan lang ba? Nakipag-close lang siya para makuha ang best friend ko? Hay. Parang ang sama naman diba? Pero hayaan ko na lang.

Nga pala, isang pack na ng chocolates ang naubos ko. Yung fun size lang ah. Hahahaha! Promise, hindi ako bitter. At hindi ako malungkot. Hahahahaha!



2/12/2009

Hi, PJ! Kakatapos ko lang mag-empake. Retreat namin. We’re off to Tagaytay tomorrow morning. Promise, di na kita kakalimutang dalhin pero kelangan kitang itago mahirap na. Wala namang masyadong bago. Broken-hearted pa rin. Haha!

Ayoko namang manlandi ng iba no! Hindi ko gusto ang… Iba. Hahahaha! One month na simula nang mag-decide akong i-erase si Crush sa buong sistema ko. At alam mo ba?!! Nandito pa rin siya. Huhuhuhu. Ang hirap, PJ! :( Araw-araw ko siyang nakikita. Nakakasama ko pa dahil sa bruha kong bestfriend. Si Trixie pa rin ang bestfriend ko kasi hindi naman niya alam na nasasaktan niya ako eh. Haha! Feeling ko nga alam naman niya talaga ang preference ko, ayaw lang niya magtanong. Ang hindi niya lang siguro alam e yung kay Crush.


Pero in fairness naman, medyo sanay na ako. Na lagi siyang iwas sa akin kapag magkasama kami ni Trixie. Napapaisip nga ako kung may mali ba akong nagawa sa kanya pero wala naman akong maisip. Paano, e puro puso ang ginagamit ko sa kanya? Imposible namang masaktan siya ng puso ko kasi lab na lab siya nun. HAHAHAHA!! Hay, nababaliw na yata ako. Malungkot ako pero tawa ng tawa.

Magiging okay din ako diba? Diba??


2/13/2009

PJ, sabihin mo nga. Imposible ba talagang kalimutan siya?! Lahat na lang ng actions niya, affected ako eh. Haay. Kanina, may group activity kami. Buti hindi ko siya ka-group. Pero nung presentation na, ay shit talaga! Kinailangan kong hawakan ang baba ko kasi kung hindi malamang nakanganga ako. Nagsayaw siya, PJ! Lalo akong na-amaze kay Crush!!! Hay, nakakakilig. Pero syempre, hindi ko pinahalata, as usual. Haha!

Naisip ko, nasa retreat nga pala kami. So, may sharing moments. Nung na-realize ko yun kanina, kinabahan ako bigla. Sign na ba ‘to from God? Gusto na ba Niyang aminin ko kay Crush ang lahat-lahat? Wala pa akong lakas ng loob. Hindi ko yata kakayanin. Pero alam mo yung gusto ko na rin sabihin para matapos na? Kung ano man ang maging reaksyon na, bahala na. Pero pinangungunahan ako ng takot. Siguro kung tatanungin niya ako ngayon, sasabihin ko na. Ayoko lang na ako ang mag-open up.

Hay, PJ. Hindi ako makatulog. Siya lang laman ng isip ko. Pati yung pagsasayaw niya. HAHAHAHA! Wag kang mag-isip ng iba, yun lang talaga! Haha! Anyway, wala naman kami masyadong interaction ni Crush ngayon kaya wala rin ako ibang makekwento sa’yo. Good night!!



2/14/2009

Sobrang maga na ng mata ko kakaiyak. Nag-candlelight kami kanina. Yun yung part ng session namin na haharapin mo isa-isa yung mga classmates mo. Aayusin niyo yung mga away. O kaya makikipagkaibigan sa hindi pa ka-close. Kaya candelight kasi malamang kandila lang ang ginamit naming ilaw para daw intimate.

Edi alam mo na ang nangyari! Pero siyempre, ikekwento ko pa rin. Ano pa’t may journal ako kung hindi ko isusulat diba? Hay nako. Ano ba ‘tong isip ko, ang gulo! Haha! Anyway, so ayun na. Hindi ko na ikekwento sa’yo yung iba dahil alam ko namang si Crush lang ang gusto mong mabasa. At siya lang rin ang gusto kong ikwento talaga.

PJ! As soon as magharap kaming dalawa. Hinawakan niya ang kamay ko. PJ, HINAWAKAN NIYA ANG KAMAY KO! Parehas ha. As in, ang higpit ng hawak niya. Akala ko nga galit pero nakayuko siya. Gusto ko sanang batukan ang sarili ko kanina. Ang sabi ko ba naman, “May padasal?” Hahahahaha! Kasi naman, naka-indian sit kami sa floor tapos may isang candle sa gitna, tapos magkahawak kami ng kamay. Tumatawag yata ng espirito si Crush. Katakot!

Okay, seryoso na. Kaya pala nakayuko ang gwapo (ano daw?) e kasi umiiyak siya. :( Grabe, parang sinasaksak ako nung nakita ko siyang parang bata na inagawan ng laruan. Ang lalim ng mga hinga niya tapos tulo ng tulo yung mga luha niya. I asked him why a dozen times. Naiyak na rin ako. Nakakahawa! Gusto ko siyang i-hug kaso baka kung anong isipin niya. Tsaka may kandila, baka masunog ako. Singhot ako ng singhot kasi sinipon na ako kakaiyak. Pero ayokong bitawan ang kamay niya, ayoko talaga! Kaya naman todo effort sa pagsinghot. Hahaha!

Wala siyang ibang sinabi kung hindi “Sorry.” Naiyak lalo ako nang ma-realize kong alam niya ang ginagawa niyang pag-snob sa akin. Alam niyang hindi normal ang pinapakita niya. Binitiwan ko yung kamay niya. Hindi naman ako nagalit, hindi ko lang talaga na kaya i-contain ang ilong ko. Hahaha! I asked him why. Pero ‘sorry’ pa rin ang sinasabi niya. Tumayo siya bigla at in-offer niya ang kamay niya sa akin para tulungan akong tumayo. Wala pang one second na nakatayo ako, niyakap niya ako ng mahigpit. Nagsimula na naman siyang umiyak. Daig pa ang namatayan! Medyo OA pero ewan. Hindi ko alam kung ano ang pinaghuhugutan niya.

I was left hanging sa kung ano ang rason kung bakit ganon. Pero I don’t wanna push my luck at in-enjoy ko na lang ang moment na ako ang naging sentro ng kanyang atensyon. Ang sarap sa pakiramdam, PJ. Lalo na nung before kami pumasok sa room (magkatapat ang room namin), sabi niya sa akin — Happy Valentine’s Day!



3/17/2009

Hi, PJ. Malungkot ako ngayon. Well, since last month pa after retreat. :( Nadagdagan pa lalo ngayon. Pero ikekwento ko muna kung bakit one month na akong ganito. Ang tamlay ko kaya. Hindi na ako makakain ng maayos. Halos ayoko nang pumasok. Grabe, PJ. Nasasaktan na ako.

Pero bakit? Anong karapatan kong masaktan? Hindi naman niya hiniling na maramdaman ko ‘to sa kanya diba? Simula nung gabing iyon na hinawakan niya ang kamay ko at niyakap niya ako, wala na akong narinig mula sa kanya. Buti na lang “Happy Valentine’s Day” ang last words niya sa akin kasi, at least, pag ini-imagine ko siya (o, wag mag-isip ng bastos, wholesome ako) napapangiti pa rin ako. Pero kapag nakikita ko siya, alam mo yun, para akong sinaksak. OA? Fine, para na lang akong tinutusok ng karayom. Mga 10x per second. Ganon.

Haaaaaaaaaaaaaaay! Ito pa ang mahirap, PJ. Si Trixie sa akin nag-oopen up tungkol sa kanila. Malamang, best friend niya nga ako diba? Minsan gusto ko na lang sabihin sa kanya na “Pwede ba, wag mo nang dagdagan ang sakit na nararamdaman ko tuwing sinasabi mo kung gaano kayo kasaya?” O diba, talo ko pa ang ampalaya sa pagka-bitter? Hay. Affected na affected ako. You know why? Malapit na kasing mag-end ang school year. Hindi ko na siya makikita kasi bakasyon na.

Okay, bakit nadagdagan pa lalo ang lungkot ko ngayon? Related siya sa nalalapit na pagtatapos ng school year. PJ!! Ayoko na, naiiyak na ako habang sinusulat ‘to. Promise!!! Kinausap kasi ako ng parents ko kanina while we’re having dinner. Waaaaaaaaaaah!!! Babalik ulit kami sa States. Ayokoooooooo. :( Kasi dun na nila ako pag-aaralin. Hindi ko alam kung anong hinithit ng mga magulang ko at naisip nila ‘yun. Nag-walk out talaga ako. Ayoko kasi. Isang taon na lang eh. Paano na yung dream kong tumakbo as president next school year? Paano na ‘yung mga friends ko? Paano na si… Crush? Ay, bakit kasama siya?

Sabi nila, pauulitin din naman daw ako ng middle school doon kaya para hindi na masayang pa yung taon, dun na raw ako. Kasi 8th grade ang pasok ko pag nagkataon. So parang 2nd year high school dito. Mas magiging madali rin daw ang pagkuha ko ng scholarship sa mga universities doon. E kamusta naman ang adjustment at discrimination??! Tapos sila nandito? Daig ko pa OFW na mag-isa! Kina lola naman daw ako titira pero, namaaaaaaaaaaaaaaan, ayoko talaga!!! Anong gagawin ko, PJ??!


3/19/2009

Today, napansin ni Trixie ang pagkalungkot ko. Napabait na kaibigan no? More than a month na akong miserable, ngayon pa lang niya napansin. Dinamayan niya ako kasi malungkot din daw siya. Naguguluhan daw siya kasi parang bigla na lang daw naging visible ulit sa kanya si Kuya Pau. Aba, at may balak pang lokohin si Crush, sarap lang sabunutan! Pero ginawa ko nga, hinila ko ang buhok niya sa inis.
Haha! Gulat ang malandi.

Matapos ang isang oras na puro siya ang topic, at last, tinanong niya what’s wrong with me. Gusto ko sanang sabihin —- Inagaw mo ang mahal ko! Tapos ngayon lolokohin mo lang? Tulak kaya kita sa flyover?! Sasaktan muna kita bago mo siya masaktan. Pero dahil best friend ko siya, sinabi ko sa kanya ang totoo na hindi na ako sa Philippines magtatapos ng pag-aaral. Nagulat din siya kasi biglaan. Halos magwala siya nun. Nakaupo kami sa hagdan nun, tapos na ang klase. Natawa kaming parehas nang muntik na siyang malaglag. Ang ligalig kasi. Pero lumungkot na naman nang nagtanong na siya kung bakit. Explain, explain, explain. Tapos nagpaalam na siya kasi naghihintay na raw si Crush sa may gate. Niyaya niya akong sumabay sa kanila pero tumanggi ako.

Naisip ko, bakit ba ako nagsasayang ng oras at nalulungkot dahil hindi niya ako pinapansin? Crush ko lang naman siya. Pero sabi ng puso ko, hindi daw. Hahahaha! Pero gets mo, PJ? Wala namang patutunguhan eh. Malaman niya man o hindi, aalis na ako at masaya naman siya with Trixie. Pero binabagabag pa rin ako sa pinakita niya nung retreat. Yung sa candlelight yun, wala ng iba! Green-minded ka!!!

Shit, PJ! He’s calling. Tumatawag si Crush, wait!

10 mins and 43 seconds… Call duration ng pag-uusap namin. Ang bilis pa rin ng tibok ng puso ko. PJ, umiiyak na naman ako. Habang fresh pa sa utak ko, ito naging usapan namin:

Me: Hello?

Crush: Is it true?

Me: Hindi ikaw ang ama (sa isip ko lang yan) Ang ano?

Crush: You’re leaving?

Me: Yeah.

Crush: Bakit?

Me: Anong bakit?

Fresh pa naman pero ayoko na isulat. Tinatamad na ako, joke. Naghalo-halo na sila sa utak ko. Basta, malungkot siya. Naramdaman ko yun. Gusto ko na siyang tanungin, PJ. Gusto ko siyang sumbatan sa lahat ng sakit na dinulot niya— huh??? Erase, erase. Na-carried away lang. Pero seriously, gusto ko na siyang komprontahin kasi gulung-gulo na ang utak ko. Magkaibigan kami. Nagkakaintindihan kami. Pero bakit ganon? Bakit kailangan niyang maging ganon sa akin?

Pero wala akong lakas ng loob. Hindi ko kayang mapahiya. Baka malaman ng ibang tao. Hindi porke’t aalis na ako e okay lang na madungisan ang pangalan ko. E paano kung biglang change of plans? Saang putikan ako pupulutin?

Shit na malagkit, PJ. Nakikita mo ba kung anong effect niya sa akin? Dati ang jolly ko, pero ngayon, para na akong makata. Nagtanong pala siya kung kailan kami aalis. Nga pala, 2nd week of April daw. So, parang isang buwan na lang.

Hapdi na ng mata ko, PJ. Sa susunod na lang ulit. Good night. PJ, ayoko talagang umalis. Ayokong umalis na hindi niya alam ang nararamdaman ko. :( Pero paano? Bigyan mo naman ako ng lakas ng loob. Kahit 1% lang.



3/27/2009

Last day ko na sa school kanina, PJ. Ang lungkot lang na hindi ko na sila kasabay magtatapos next school year. Wala na rin yung pangarap kong maging presidente ng student council. Pero ganoon yata talaga. Minsan nangyayari ang mga bagay na hindi natin inaasahan. At minsan, kahit gaano pa ito kalabo sa atin ngayon, maiintindihan din natin ang ibig sabihin niya in the future. O diba, balik na naman ako sa pagiging emo.


PJ, nakapagpaalam na ako sa lahat ng mga kaibigan, kaaway, kaklase at lahat na ng may “ka” aside kay Crush. Ang weird lang kasi may pinagsamahan naman kami kahit maikli lang pero bakit parang wala lang sa kanya na aalis na ako? Hindi ko alam kung factor ba na break na sila ni Trixie. Yes, tama ang nabasa mo, break na sila. Kung hindi lang ako aalis, super saya ko sana! Grabe, ang selfish ko lang e no?

Last week pa sila break. At grabe makaiyak si Trixie sa akin dahil sa nangyari. E shunga kasi ‘tong babaitang ‘to! Nakipag-inuman sa party ng isa naming kaklase tapos aaminin na mahal niya pa si Kuya Pau sa harapan ni Crush? Seryoso, binatukan ko siya, mga 10 times. Haha! Wala naman siyang nagawa kasi kasalanan naman niya. At si Crush ang nakipag-break sa kanya. Gusto ko sanang kausapin si Crush nung mga oras na yun pero ewan ko ba, dahil sa mga pinakita niya sa akin simula nung retreat at nung nalaman niya na aalis ako, parang may pumipigil sa aking kausapin siya. Ine-expect ko nga na ngayon kami makakapag-usap kapag nagpaalam na ako pero wala naman siya. Hindi na siya pumasok after ng periodical exams. Clearance day na lang kasi namin ngayon.

Hindi ko alam kung bakit ang bigat ng loob ko kanina habang pauwi ako kasi hindi ko siya nakausap. Parang ayokong umalis. Dapat na ba akong gumawa ng way para magkausap kami, PJ? Ayokong umalis ng ganito. Alam kong something’s unclear. I don’t wanna be bothered with questions kapag nasa malayo na ako. Promise, PJ. Yung paghanga na nararamdaman ko kay Crush has turned into something more serious, into something called love.

Hindi naman masyadong inspired ang mga words ko no???! Nami-miss ko na si Crush. Bakit ba kasi ang ilap niya sa akin? Alam naman niyang paalis na ako at mabibilang na lang ang mga oras na magkikita kami! Ay, mamamatay lang?! Haha! Hay, PJ. Hindi na naman ako makakatulog nito. Hawak ko na ang phone ko ngayon. Gusto ko na siyang i-text. :( Pero bakit parang ayoko rin? Kainis naman. Ang gulo kooooo!!!


4/1/2009

Kakauwi ko lang, PJ! Haaaay, feeling ko nakalutang pa rin ako. Ito na yata ang pinakamasayang araw ko. EVER!!! Halos ayoko ng umuwi kasi, wait for it, magkasama kami ni Crush!!! Halos half day yata kaming magkasama sa mall. Sinamahan niya ako mamili ng ilang mga gamit na dadalhin ko.

Okay, so ganito yun. I spent all day yesterday thinking about texting Crush. Should I or should I not? In the end, nag-decide ako na i-text na siya. Bahala na. Gusto ko lang naman magpaalam. Alam mo kung anong sweet, PJ??! The moment na mag-send ako ng message sa kanya ay nakatanggap ako ng text! Galing kay Crush! As in mga 30 seconds lang ang pagitan ng time sa message! Kinilig ako. Iniisip niya rin kaya ako all those times? Haaaaaaaaaaaaay! Napuyat na naman ako sa sobrang excitement. Sa text, ayun napag-usapan lang namin mag-meet. Wag ka, PJ. Siya ang nagyaya, hindi ako. Biglang humaba ang buhok ko hanggang gate ng subdivision namin!

Jusko, halos baligtarin ko na ang cabinet ko kakahanap ng perfect dress for my first date! Ay, shet! Anong dress?! Ano ba yan?! Ulit! Naghahanap ako ng perfect polo. I don’t wanna come overdressed. Super obvious namang naghanda ako diba?! Pero ayoko rin namang underdressed, baka naman ma-turn off siya sa akin. Gusto ko…. effortless! Hahaha! Yung tipong natural ang dating. Pero kasi, I’m your ordinary shirt, jeans, iPod guy. It may come off too simple.

Tapos bigla kong naisip, hindi pa naman kasal namin ang pupuntahan namin. Grabeng daydreaming no??!  Sa mall lang naman kami. Gusto ko sanang mag-coat and tie. Tapos 10-inches na heels. Bwahahahahaha!! Joke lang. So, simple v-neck shirt na lang at grey pants ang sinuot ko. Nagdala na lang ako ng cardigan just in case lamigin ako. Pero plan B lang yun. Plan A ay ang magpayakap kay Crush. Hahahahaha!!

PJ, hindi ko alam pero grabe ang pagka-intimidate ko nang nakita ko siyang papalapit sa akin. Nauna ako ng mga 2 hours. Joke! Mga 15 minutes lang naman akong naghintay tapos bigla siyang nakita ng mga mata ko kahit na napakaraming tao ang nakapaligid. Alam mo yung feeling na parang nag-blur lahat tapos siya lang yung malinaw. E PJ, bakit kasi ang gwapo ni Crush??! Ang laki ng ngiti niya nang makita niya ako. Tapos bumagay pa sa kanya yung bagong hairstyle niya. I call it the bagong-gising look. Kasi ang gulo-gulo. Pero for sure, matagal niyang inayos, este, ginulo ‘yun.

Kinamusta ko siya tungkol sa naging sitwasyon nila ni Trixie. Isang makahulugang ngiti lang ang isinagot niya. Mukhang ayaw niyang pag-usapan. So, hinayaan ko na lang. Ayoko namang mamilit. Baka lalong lumabas na masaya ako sa naging break-up nila. Shit, ano kayang sasabihin ni Trixie pag nalaman niyang ganito ako? Haha! Baka sabunutan ako nun, pero care ko? Hahahaha!

Nakakainis lang, PJ kasi sa sobrang enjoy ko, ang bilis ng oras. Halos limang oras na pala kaming magkasama ni Crush. At ang dami ko ng paper bags na bitbit. Syempre, bilang gentleman si Crush, siya yung nagbitbit ng ilan. My god, PJ!!!! Nakuryente yata ako nung magtama yung kamay namin nung kinuha niya sa akin yung ibang dala ko. Ang lambot ng kamay niya!!! Sana pala pinulupot ko na lang sa tali ng bag yung kamay ko para mas matagal niyang nahawakan!

Pauwi na kami nang maalala ko ang date. April 1 nga pala. So, kinausap ko si Crush ng seryoso. Sabi ko sa kanya, “Crush, may ipagtatapat sana ako sa’yo.” Biglang sumeryoso ang mukha niya. Tapos ‘yung mga mata na naman niya, PJ!!! Bigla na namang parang naging puppy eyes na akala mo alalang-alala. Gusto ko na sana sabihing, “I love you.” Pero siyempre, hindi ko ginawa. Sabi ko, “Hindi na ako aalis ng Philippines.”

Nakita ko ang pag-shift ng expression niya from being serious to being happy. No, happy is an understatement. ECSTATIC! As in! Alam mo ‘yung parang nanalo sa basketball game yung team niya. Ganon. Isang malakas na “Woooooh!!” pa ang sinabi niya. Napatingin ang mga tao sa amin. Feeling ko ang sama ko talaga that time kasi ang ito ang sunod kong sinabi — Happy April Fool’s Day.

Hindi exaggeration ‘to, PJ! Pero promise, naluluha siya kanina nung na-gets niya na joke lang ‘yung sinabi ko at tuloy talaga ang pag-alis ko. Ang bilis ng pagbaba ng energy niya. Tapos biglang sabi niya, “Tara, uwi na tayo.” Nawalan yata ng gana si Crush sa akin. Hay! Wrong move talaga! Hindi ko naman kasi in-expect ang reaction niya. Panay ang sorry ko pero puro okay lang ang sinasabi niya. Obvious namang na-badtrip siya.

Pero nung naghiwalay na kami, isang genuine smile ang ibinigay niya sa akin. Hay, PJ. Ang sakit ng moment na ‘yun. Feeling ko yun na ang last time na magkikita kami. Tapos panay na ang pagsasabi niya ng “Ingat ka dun ha? At wag kang makakalimot.” Hay, puro parting words. Promise, sa sasakyan, iyak na ako ng iyak. Pag-uwi ko, nagtext ako agad kay Crush at nagpasalamat sa pagsama niya sa akin. Syempre, nag-sorry din ako sa joke ko. Pero instead na mag-reply e tumawag siya.

Grabe ‘yung kaba ko, PJ. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko nung narinig ko ang boses niya. Umiiyak siya tapos sabi na naman siya ng sabi ng sorry. Tsaka nagpapaalam siya. Paikot-ikot ako sa kwarto tapos tanong ako ng tanong sa kanya kung anong nangyari. Gusto ko na siyang puntahan. Naiiyak na ako. Tapos, PJ, biglang sumeryoso yung tono niya, biglang sabi ng “See you in heaven. Bye.” Paulit-ulit kong tinawag ‘yung pangalan niya. Walang nagbaba ng linya sa side ni Crush kaya narinig ko nang may tumili tapos paulit-ulit niyang binanggit ang pangalan ni Crush na para bang ginigising ito. Tapos sumigaw ito, feeling ko Mommy niya iyon. Sumigaw siya ulit. Sabi niya, “Si Crush, naglaslas!!”

PJ, napaupo ako bigla. Tapos iyak na lang ako ng iyak. Nawalan ako ng lakas. Ibaba ko na nang biglang may nagsabi ng “Hello?” Taranta naman akong sumagot. Isang malakas na halakhak ang narinig ko sa kabilang linya. Tapos narinig ko ang normal na boses ni Crush. Sabi niya, “Quits na tayo! Happy April Fool’s Day!”

Hindi ko sinasadya pero puro malulutong na mura ang sinabi ko nang ma-realize kong naisahan ako ni Crush! Minumura ko siya habang umiiyak. Hindi ako makatahan kasi akala ko totoo. Ang galing kasi, siya rin pala yung nagboses na parang Mommy. Pero tumigil rin naman ako after one hour. Joke! Tumigil rin ako nung naging malambing na ang tono ni Crush. Sorry siya ng sorry. Tapos sabi niya sa akin with his malambing voice, “Punta ka na sa kitchen, dali. Tapos inom ka na water. Iyak ka ng iyak diyan. Hindi pa naman ako mamamatay. Ikaw talaga.” Syempre, pa-virgin ang drama ko, gusto magpapilit. Kunyari ayoko pang bumaba pero sa totoo lang, umiinom na ako ng tubig nun. Tapos sabi niya ulit, “Sige na, inom na. Tototohanin ko ‘to.” Natakot naman ako kaya uminom ulit ako ng isang baso ng tubig.

Diba, PJ? Ang saya ng araw na ‘to? Bawing-bawi na siya sa mga araw na hindi kami nag-usap. Pero parang lalong bumigat ang pakiramdam ko sa nalalapit kong pag-alis. Pwede naman pala kaming maging ganito eh. Bakit ngayon lang kung kelan paalis na ako? Pwede ko ba siyang isama? Pero at least, may baon akong magandang memory with him. Magkahiwalay man kami, gusto ko man lang sabihin sa kanya kung gaano niya ako napasaya ng araw na iyon. Alam mo bang kinuha ko lahat ng resibo ng kinainan namin. Remembrance, bakit? Pati ‘yung cups ng coffee na ininom naming dalawa, tinago ko.:)


4/5/2009

Hi, PJ! Napaka-bittersweet ng araw na ito. Almost 2 hours na akong nasa ere. Alam mo ‘yung nagtatalo ‘yung pagtulo ng luha ko at ng mga pagngiti ko. Hindi ko alam kung anong mas nangingibabaw. Maya’t maya ang paghawak ko sa lips ko at hindi ako makapaniwala sa nangyari.

Maaga ako nagising kaninang umaga. Dalawang malaking maleta na ang nakalagay sa gilid ng kama ko. Nalungkot ako nang makita ko ang mga iyon. Inisip ko kasi, paano ko kaya dadalhin ‘yun ng may poise? Hahaha! Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Aalis na ako ng bansa. Napakabigat ng araw na iyon para sa akin. Gabi pa naman ang flight namin kaya may oras pa para sa mga last-minute preparation. Puro “Have a safe trip!” ang laman ng inbox ko galing sa mga kaibigan. Nagtiyaga akong reply-an sila isa-isa kasi sobrang na-appreciate ko ang mga messages nila.

After lunch, naligo na ako. Naluluha ako nang makita kong wala ng laman ang kwarto ko. Hindi ko pa rin masyadong tanggap na aalis na kami. Natigil ang pagda-drama ko nang abalahin ako ng cellphone ko. Si Crush ang nagtext. Naging constant naman ang communication namin for the past few days. Pati kina Trixie at Kuya Pau na mukhang nagkakamabutihan naman. Pero ako na rin ang nagkusa na bawasan ang pakikipag-usap sa kanila habang papalapit ang araw na ito bilang paghahanda na rin. Baka maglupasay ako sa airport kasi sobrang attached pa rin ako sa kanila. Nakakahiya naman ‘yun no.

May sense of urgency ang text ni Crush — “Pwede pa ba tayo magkita today?” Nagdalawang-isip akong mag-reply. Ilang minuto ko ring pinag-isipan iyon pero pinili kong huwag na lang kasi ako rin ang mahihirapan kapag nakita ko na naman siya. Baka lalo ko siyang ma-miss. Hindi ko alam kung hanggang kelan ako nasa malayo. Iniisip ko na lang na malilimutan ko rin siguro ‘tong nararamdaman ko sa kanya once na may bago na akong buhay doon.

Lumipas ang ilang oras, PJ, tumatawag si Crush sa akin. Isang oras na lang at aalis na kami papuntang airport. Hindi ko alam kung anong kailangan niya. Gusto ko mang alamin, pinili kong huwag ng mag-give in sa aking curiosity. Pero, PJ. Si Crush ‘yun eh! Isang malaking question mark na naman ang iiwan nun sa akin kapag hinayaan kong hindi sagutin ang tawag. Kaya nagkulong ako sa kwarto at sinagot ang tawag niya habang pigil na pigil sa pag-iyak. Back to step one na naman ako neto sa pagle-let go. Narinig ko na naman ang boses niya.

Nagmamadali siyang magsalita na kinailangan ko pa siyang sabihang magdahan-dahan. Nang naintindihan ko ang kanyang sinabi ay patakbo akong nagpunta sa bintana at  doon sa baba ay nakita ko siya. Hindi ako makapaniwala. Ano na naman kayang trip nito?! Gusto talaga akong pahirapang maka-move on? Nakakainis. Edi siyempre, takbo ako pababa. Muntik pa akong mahulog sa hagdan kasi nag-uunahan ang mga paa ko. Nagpaalam ako saglit sa Mommy ko na lalabas lang at babalik in time for our departure.

Isang malaking “ANONG GINAGAWA MO RITO?” ang bungad ko sa kanya. Sinundan pa iyon ng “PAANO MO NALAMAN ANG BAHAY NAMIN?” Napakadaldal talaga ni Trixie kasi siya pala ang nagsabi kay Crush. Tapos nagtanong siya kung pwede daw ba kaming pumunta somewhere private. Hindi ako prepared! Sabi ko sa kanya, quickie lang. JOKE!!! Dahil pagabi na naman, for sure, wala ng masyadong tao sa park sa kabilang street kaya doon kami pumunta. Ramdam ko ang pagiging tense niya kasi maya’t maya ang paghinga niya ng malalim.

Panay na naman ang pagso-sorry niya sa akin. Naiirita na talaga ako kaya medyo nasigawan ko na siya kasi hindi ko naman alam kung bakit siya nagsasabi noon. Natahimik siya noon. Hay, PJ. Gusto ko siyang yakapin! Tumigil naman siya sa pagso-sorry. Pero nagsimula na naman siya sa parting words niya. Nahihiwagaan na talaga ako dito kay Crush! Hindi ko maintindihan ang ugali. Nagulat ako nang bigla niya akong akbayan. Ramdam kong pinipigilan niya ang sarili. Tumayo na ako matapos iyon at nagpaalam sa kanya dahil naghihintay na sina Mommy sa akin. Hindi ko na hinintay si Crush, ayoko siyang makitang ganon. Siguro masyado siyang affected dahil sa naging sudden closeness namin last week. E paano naman ako? Since day one na nagkita kami, attached na ako sa kanya.

Alam mo ‘yung gulat na gulat ako, PJ, nang biglang may humatak sa braso ko na akala ko madadapa ako? Ganon ang sumunod na nangyari. Pero hindi ako nadapa kasi hinablot ni Crush ang katawan ko palapit sa kanya at niyakap niya ako ng mahigpit na mahigpit. Mas mahigpit pa ang yakap niya na ‘to compared dun sa retreat. Tapos iba naman ang line niya ngayon, puro I’ll miss you na. Ewan ko ba, PJ, pero parang yun na ang nag-trigger sa akin. Parang nung moment na yun, walang ibang mahalaga kung hindi ‘yung nararamdaman ko sa kanya. Pero nandun pa rin ang takot na baka hindi niya matanggap. Kaya naman binulong ko na lang sa hangin ang gusto kong sabihin sa kanya, “I love you, Crush.”

Hindi nga ako nagkamali, PJ. Unti-unti kong naramdaman ang paglayo ng kanyang katawan sa akin. Ang halos isang taon na pagkakaibigan ay sinayang ko lang dahil sa pansariling kagustuhan. Pero hindi naman ako nagsisisi. Desisyon ko iyon at walang pumilit sa akin. Nakita kong gulat ito. Nagawa pa niyang magpa-cute, in fairness. Binasa niya pa ang mga labi niya. Nakakainis. Naisip ko pa yun kahit sobrang seryoso ng moment. Sobrang nahiya ako nang magsabi siya ng “You do?” PJ!!! Narinig niya ‘yung sinabi ko. Well, ang tanga ko naman din kasi, magkayakap kaya kami. So yung hangin na binulungan ko, malamang friend niya yung hangin malapit kay Crush. E diba ang bilis ng chismis kaya ayan!

What’s done is done! Kaya inamin ko na. There’s no point of denying the truth. Pero hindi ko na kaya ang drama, masyado nang mabigat. Kaya when I gave him the confirmation, walk out ang lola mo! Hindi ko kakayaning makita ang reaction niya. Pero mas natakot ako, baka sapakin niya ako bigla. Ayan na nga, narinig ko ‘yung papalapit niyang boses. Tapos inunahan niya ako sa paglalakad. Ayokong dumating sa States na may pasa sa mukha no! Nakita ko ang pagkayamot sa mukha niya. Shit, what have I done?!!

“Nakakainis ka.” ‘Yan lang ang sinabi niya bago niya nilapit ang kanyang mukha sa akin. Oh, my God. PJ, my knees got weak talaga nung nag-hello ang lips niya sa lips ko. At BFF’s agad ang dalawa!!! Buti na lang, mabilis ang reflex ni Crush at niyakap niya ako para suportahan ako sa pagtayo dahil sobrang nanghina ako talaga. Alam mo kung anong stupid na ginawa ko?! Tinanong ko pa siya, “Why did you kiss me?” Gusto kong iuntog sa bato ang ulo ko sa katangahan.

“I love you since the first time I saw you. Ang saya ko kaya nung sa’yo ako pinatabi ni Ma’am.” Ang OA no? First meeting, love agad? Mas matindi pala sa akin ‘tong si Crush! Pa-tweetums ko siyang sinampal, magka-hug pa rin kami nun. Sabi ko sa kanya, sinayang niya ‘yung mga buwan na magkasama kami bilang friends. Alam daw niya kaya raw siya sorry ng sorry. Ang dami ko pang gustong itanong sa kanya. As in! Nangunguna sa listahan ay ‘yung relasyon niya kay Trixie. O sadyang OA lang si Crush nung sinabi niyang since first day. Hay! Bahala na! Wala ng oras. Nakakainis!

Pero hindi ko naman kailangan mag-worry kasi ngayon mahal niya ako at mahal ko siya. Distance? Wala iyan! Napakadami namang paraan para ma-nurture ang love, diba? Kung totoo ang nararamdaman, walang excuse para hindi mag-work ang isang relationship. Totoo, magiging mahirap ang mga susunod na buwan para sa amin ni Crush. Hindi pa kami established pero magkalayo na agad. Pero eto lang ang masasabi ko: Okay nang mahirapan sa umpisa, para nasa huli ang ginhawa. Ang hirap kaya kapag the other way around. Diba???

Inaantok na ako, PJ. Ayan, wala na akong atraso sa’yo ha. Nakwento ko na sa’yo si Crush. Sana mag-work out itong relationship namin. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga last words niya sa akin bago ako umalis. Kailangan ko siyang isulat dito para hindi ko talaga siya malimutan. Haha! Ito sabi niya, I’m going to miss you everyday while you’re away, pero iisipin ko na lang na one day away from you leads you closer to your journey back to me.

Hindi ko na kailangang mag-pretend pa at talagang pinakita ko sa kanyang kinilig ako sa mga words niya. Nag-request pa ako ng isang kiss sa kanya na tumagal ng…. Secret!!! Too much information!!! Hahahaha!!

Bittersweet, life and love are. Pero minsan, you just gotta look at the bigger picture to understand the reason of why things are happening. Siguro ngayon, our story could’ve been better pero no one really knew diba? Basta ngayon, masaya akong haharap sa panibagong buhay. Wala pa man din ako sa States, PJ, gusto ko ng bumalik ng Pilipinas. Ayan, binasa ko ulit yung sabi ni Crush sa akin.

Tutulog na talaga ako. Para blooming ako paglapag namin. Good night!!! Mwaaaaaaaaaaaaaah!


Wakas.


No comments:

Post a Comment